Mga magsasakang nagtanim ng sibuyas sa Nueva Ecija, kumonti ngayong 2020

Base sa report ng Office of the Provincial Agriculture, umabot lang sa 15, 496 na magsasaka ang nagtanim ng sibuyas ngayong taon, sa 8, 793 hectares na lupain.

Mas mababa ito ng 26.5% kumpara noong nakaraang taong 2019 sa 21, 086 na magsisibuyas na nagtanim sa 11, 502 ektaryang lupain.

Pinaka malaki ang ibinaba sa San Jose City na 3, 591 na magsasaka lang ang nagtanim ngayong 2020 sa 1, 155 hectares na lupain dahil mahigit kalahati ang nabawas sa 7, 304 magsasakang nagtanim noong nagdaang taon sa  1, 667.13 hectares.

Ngunit sa bayan ng Bongabon na tinaguriang Onion Basket of Asia ay kabaligtaran naman ang nangyari dahil mas dumami ang nagsibuyas ngayong taon.

Mula sa 2, 284 na bilang ng mga magsasaka na nagsibuyas noong 2019 sa 2, 029 bukirin, nadagdagan ito ng 9.83% o 2,533 ang nagsibuyas ngayong taon sa 2,319.10 ektaryang bukirin sa Bongabon.

Sinimulan noong huling linggo ng buwan ng Pebrero, 2020 ang pag-aani ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija.

As of yesterday, March 11, 2020  ay pumapalo sa Php 35.00 hanggang Php 38.00 ang farm gate price ng pulang sibuyas per kilo habang nasa Php 20.00 to Php 22.00 naman ang puting sibuyas kada kilo.

Hamak na mas mataas ang presyuhan ngayong taon kung ihahambing noong 2019 na pumatak lang sa dose hanggang kinse pesos bawat kilo.

Sa daan kahapon patungong bayan ng Bongabon, naabutan ng Balitang Unang Sigaw si Darius Torres ng Sapang Buho, Palayan City na masayang umaani dahil hindi kagaya noong nakaraang taon ay nakaligtas sa pesteng oud na army worms ang kanyang pananim na sibuyas.

Kumpiyansa siyang makakapagpatuloy sa pag-aaral kanyang  apat na mga anak na ang dalawa ay high school at dalawa ay nasa kolehiyo.

Ayon kay Banny Caysip ng barangay Vega, Bongabon, siguradong makakabayad sya ng kanyang utang na umaabot sa Php 45,000.00 dahil bibilihin ng ahente mula sa Pangasinan ang kanyang aanihing puting sibuyas sa halagang bente dos pesos kada kilo habang napakiusapan nyang Php 38.00 naman per kilo kunin ang pulang sibuyas.

Wala namang lugi para sa mga katulad ni Rogelio Oltiveros na may sariling lupa at puhunan. Sasapat naman aniya sa mga gastusin sa bahay ang kikitain mula sa pagbebentahan ng kanyang inaning sibuyas.- ulat ni Clariza de Guzman

Watch – Mga magsasakang nagtanim ng sibuyas sa Nueva Ecija, kumonti ngayong 2020


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *