Mga maling gawi ng Pinoy, pwedeng maging banta sa buhay kapag lumindol

     Katigasan ng ulo, ito ang karaniwang dahilan kung bakit maaaring mapunta sa bingit ng kapahamakan ang bawat isa, lalo na sa pagdating ng anumang sakuna tulad ng lindol.

     Sa isinagawang Simultaneous Earthquake Drill sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ay hindi naiwasan ang mga maling gawi mula sa mga partisipante.

     Karaniwan sa mga maling gawi na ito ay ang pagtayo at paglabas ng gusaling kinaroroonan habang lumilindol.

     Ayon kay Executive Officer Bencelito Parumog ng PDRRMO, bagaman maayos na naisagawa ang Earthquake Drill ay may mga dapat pa umanong pinuhin o ayusin partikular na dito ang katigasan ng ulo ng mga Pilipino.

     Dagdag nito, napakahalagang malaman at sundin ng bawat isa ang mga nararapat gawin sa oras na lumindol upang mapanatiling ligtas ang mga sarili.

     Kapag lumilindol laging tatandaan ang Duck, Cover and Hold, mainam na lumuhod kapag lumilindol at huwag tatayo sa kinaroroonan, siguraduhing nakatakip ang mga kamay sa ulo o magtakip ng anumang bagay upang maproteksyunan ang ulo, at manatili sa kinaroroonan hanggang matapos ang malakas na pag-uga ng lupa.

     Pagkatapos ng lindol ay dapat ding tandaan ang Don’t Talk, Don’t Push, Don’t Run at Don’t Return habang papalabas ng gusaling kinaroroonan para masiguro ang kaligtasan.

     Bunsod ng mga flaws o kamalian na naobserbahan sa isinagawang Earthquake Drill ay handa naman umanong ulit-ulitin ng naturang Tanggapan ang pagsasagawa ng ganitong uri ng pagsasanay upang mas lalo pang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga mamamayan.

     Samantala, ipinakita at ipinaranas sa mga empleyado ng Kapitolyo ang aktwal na senaryo ng pagdating ng lindol, mula sa pag-rescue, pagbubuhat ng mga sugatan, paglalapat ng paunang lunas, at kahandaan sa mga posibilidad na mangyari o after shock ng lindol.

     Lagi naman umanong handa ang PDRRMO katuwang ang Bureau of Fire, PNP, at iba pang pribadong ahensya sa anumang kalamidad na maaaring tumama sa lalawigan. -Ulat ni Shane Tolentino

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *