Mga OFW galing China, inaasahang ika-quarantine sa Mega Drug Rehab sa Nueva Ecija

Inaasahan na umano ni DOH Sec. Francisco Duque III na magiging containment or quarantine area na nga ng mga OFW na uuwi galing China sa darating na Sabado February 8, 2020 ang Mega Drug Treatment and Rehabilitation Center sa loob ng Fort Magsaysay Military Camp.

Sa isinagawang press conference kahapon ng 11:00 ng umaga sinabi ni Sec. Duque na bagaman may iba pang lugar na ikinokonsidera na maging quarantine area ay inaayos na sa kasalukuyan ang likurang bahagi ng Mega Drug Rehab upang maging komportable ang mga Pinoy na mananatili roon ng labing-apat na araw para obserbahan at eksaminin.

Kaugnay ito ng safety measures na ginagawa ng gobyerno sa ilalim ng adminsitrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiwasan ang pagkalat ng Novel Coronavirus na nagmula sa Wuhan, China.

Tungkol sa flight details at sistema ng transportasyon ng mga uuwing OFW na bababa sa Clark International Airport ay titiyakin aniya ng mga national agencies na magpapatupad sila ng komprehensibong plano bago tumuloy ang mga ito sa mapipiling containment area.

Nasa mahigit dalawang libo ang kapasidad ng phase 4 ng Mega Drug Rehab na planong palagyan ng aircondition unit sa mga kwartong nasa itaas habang bentilador naman sa ibaba.

Ininspeksyon ng kalihim kahapon ang Mega Drug Rehab sa atas ni Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang sa nilibot nito ay ang mga kwarto at palikuran ng mga inaasahang uuwing Pinoy galing China.

Sa tanong kung nakarating na dito ang ang ipinasang Resolution No. 54-Series of 2020 ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija na nananawagan sa mga opisyal ng DOH na ikonsidera at isantabi ang planong gawing quarantine area ang Mega Drug Rehab, sagot ni Duque nakarating na ito sa kanya ngunit kinukonsidera ng pangulo ang naturang pasilidad para gamiting quarantine area pero nilinaw nito na may iba pa namang teams ang naghahanap ng ibang lugar para dito.

Ipinaaabot din ni Sec. Duque sa mga Novo Ecijano na huwag mangamba at matakot sakaling matuloy na maging quarantine area ang Mega Rehab sa Fort Magsaysay sapagkat ang Coronavirus ay hindi katulad ng ibang sakit dahil hindi ito lumulutang sa hangin kaya hindi ito nakakapaglakbay ng malayo.

Kaugnay nito ay sinabi din ni Duque na si Brigadier General Henry Robinsons, Assistant Division Commander ng 7ID kasama ang Regional Director ng DOH-Central Luzon ang magpapaliwanag sa mga Local Government Units ukol dito.

Sa huling datos na inilabas ng DOH Central Luzon may isang pasyenteng inoobserbahan ngayon at naka-admit sa Hospital dito sa Nueva Ecija at hinihintay pa ang resulta ng kanyang laboratory test.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *