Mga opisyal ng Nueva Ecija, tutol na gawing quarantine area ang Mega Drug Rehab

Nagpahayag ng pagtutol ang mga opisyal ng Nueva Ecija sa plano ng Department of Health na gawing containment or quarantine area para sa mga OFW na uuwi ng Pilipinas galing China ang Mega Drug Treatment and Rehab Center sa Fort Magsaysay Military Camp.

Matatandaan na noong February 1, 2020 ay ininspeksyon ng mga tauhan ng DOH Region 3 ang likurang bahagi ng Mega Drug Rehab bilang paghahanda sakaling matuloy na doon patuluyin at mananatili ng labing-apat na araw ang mga Pinoy na manggagaling sa China upang obserbahan at suriin kung infected o nahawaan ba sila o hindi ng Novel Coronavirus na nagmula sa Wuhan, China.

Matapos ang flag raising ceremony kaninang 8:00 ng umaga, isiniwalat ni Governor Aurelio Umali na nakipag-ugnayan na siya kay Sen. Bong Go upang ipaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang sentimyento ng mamamayang Novo Ecijano na huwag gawing containment area ang Mega Drug Rehab.

Nangangamba kasi ang mga Novo Ecijano na maging banta ito sa kanilang kalusugan dahil baka hindi maiwasang kumalat ang 2019-nCoV dito sa ating lalawigan lalo na sa kasalukuyan ay wala pang nadidiskubreng gamot para rito.

Ngayong araw din, sa ikalimang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Anthony Umali, inaprubahan ang Resolution No. 54-Series of 2020 na inisponsoran ni Board Member Joseph Ortiz kung saan nananawagan ang SP sa mga opisyal ng DOH na ikonsidera at isantabi ang planong gawing quarantine area ang Mega Drug Rehab sa Fort Magsaysay ng mga Pinoy galing China.

As of today February 3, 2020 isa na ang namatay sa dalawang kumpirmadong kaso ng Novel Coronavirus dito sa Pilipinas.- ulat ni Danira Gabriel

Watch Mga opisyal ng Nueva Ecija, tutol na gawing quarantine area ang Mega Drug Rehab


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *