Mga pamilya ng 2 diumano’y pusher na napatay sa buy-bust, duda na nanlaban sa mga pulis

Duda ang mga pamilya ng dalawang diumano’y mga tulak ng illegal na droga na napatay sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Nueva Ecija na nanlaban ang mga ito sa mga pulis.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw, ibinulalas ni Neneth ang sama ng luob dahil sa sinapit ng pamangkin na si “Macky”, hindi tunay na pangalan, trenta’y dos anyos, residente ng Cabanatuan City.

Tumanggi na ang pamilya ni Macky na ipa- autopsy ang bangkay nito dahil hindi sila naniniwala na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Dati na umano itong hinuli ng mga otoridad pero pinakawalan din.

August 15, 2019 nang magpaalam aniya si Macky na makikipagdate ngunit hindi na ito bumalik. Nagulat na lamang sila nang kontakin sila kinabukasan ng punerarya at pinakuha ang bangkay nito.

Sa tingin ng mga kaanak at kapitbahay ni Macky, salvage ang ginawa rito na hindi makatao dahil pinahirapan pa ito.

Hindi naman makapaniwala ang mga kapatid ni “Ruben”, hindi tunay na pangalan, singkwenta’y kwatro anyos na nagbebenta ito ng droga.

Base sa ulat ng Cabanatuan Police Station, lumabas na nanlaban si Ruben sa mga operatiba at nakuha mula rito ang isang caliber .38 na baril at sampong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang “shabu”.

Pinili na lamang ni Jerry na manahimik sa takot na balikan ng mga pumatay sa kanilang kapatid na si Ruben.

Kwento ni Jerry, dalawang beses nang sumusuko sa mga pulis ang kanyang kapatid sa ilalim ng Oplan Tokhang.

Kasama pa nga raw ito sa mga nakatokang maglilinis ng paligid ng city hall kaya nagulat na lamang silang magkakapatid ng may magbalitang napatay ito sa buy-bust.

Anim na anak ang naulila ni Ruben mula sa unang asawa at dating karelasyon.

Wala na itong hanapbuhay at nakikitira na lamang sa mga kapatid buhat ng iwanan ng kanyang asawa at palayasin ng may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay nito.

Natuto umano itong magdroga nang dahil sa depresyon nang mahiwalay sa unang asawa.

Huling nakitang buhay si Ruben umaga nang August 15, 2019 nang dalawin nito ang bunsong anak na nawalay sa kanya sa eskwelahan nito.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *