Mga programa ni Governor Umali, suportado ng mga kaparian ng Nueva Ecija

Hiniling ni Governor Aurelio Umali ang suporta ng mga kaparian ng Diyosesis ng Lungsod ng San Jose sa dayalogo nila kahapon, October 14, 2019 na ginanap sa St. Joseph the Worker Cathedral sa naturang lungsod.

Unang ipinaliwanag ni Governor Umali ang kauna-unahang local government unit-operated drug rehabilitation center dito sa lalawigan na itinayo sa Brgy. Ganaderia, Palayan City.

Ayon kay Gov. Umali, target na mabuksan ang nasabing pasilidad sa susunod na buwan at nais niya na maging maayos ang pagsisimula nito magmula sa mga trained employees hanggang sa maayos na proseso ng rehabilitasyon para sa mga indibidwal na naimpluwensyahan ng paggamit ng iligal na droga.

Dagdag pa niya ang naturang drug rehab ay may kapasidad na 150 pasyente at may posibilidad pang madagdagan ito sa mga susunod na panahon.

Drug Rehabilitation Center sa Brgy. Ganaderia, Palayan City, Nueva Ecija

Humingi rin ng tulong ang punong lalawigan sa pagva-validate sa mga nasasakupan nilang magsasaka upang mas marami pa ang matulungan ng provincial government sa pamamagitan ng pamimili ng palay.

Aniya, ang mga i-e-endorso ng mga pari na magsasaka sa Provincial Food Council ay isasama na agad sa listahan upang mas mapabilis at mas madami pang magsasaka ang mabilhan ng palay ng pamahalaang panlalawigan.

Positibo naman ang naging pagtugon ng diyosesis kung saan sinabi ng kanilang obispo na makikipagtulungan sila sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija para sa ikabubuti ng mga Novo Ecijano.

From left to right: Bishop Roberto Mallari ng Diocese of San Jose City, Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, at Rev. Fr. Arnold Abelardo ng Ako Ang Saklay Inc.

Ayon kay Bishop Roberto Mallari ng Diocese of San Jose City, magiging madali ang pagtulong nila sa provincial government pagdating sa validation ng mga maliliit na magsasaka sa tulong ng mga worker sa bawat barangay.

Matatandaan na noong September 30, 2019 ay nauna nang nakipagpulong si Gov. Umali sa obispo at mga pari ng Diyosesis ng Lungsod ng Cabanatuan upang hingin ang suporta ng mga ito sa mga naturang proyekto at hindi naman nabigo ang gobernador. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *