Mga proyekto at programa ng provincial government para sa taong 2020, aprubado sa SP

Sa mosyon ni Board Member Joseph Ortiz ay inaprubahan ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa Committee Hearing ng Committee of the Whole ang 2020 Annual Investment Program o AIP ng Provincial Government ng Nueva Ecija.

Sa presentasyon ni Budget Officer Randolph Alingig, umabot sa Php29, 591, 910, 893.86 ang grand total ng kakailanganing budget para sa 2020 AIP at nasa Php3.7 billion ang kayang pondohan dito ng pamahalaang panlalawigan.

Paliwanag ni Provincial Accounting Officer Ma. Cristina Roxas, ang pondong gagamitin sa mga planong programa at proyekto ng provincial government sa susunod na taon ay hindi lamang sa General Fund ng probinsya magmumula dahil maaari aniya itong mabigyan ng budget mula sa national government o sa pamamagitan ng joint venture.

Aniya, mahalaga na ang mga balakin para sa ikauunlad ng lalawigan ay mapagtibay ng Sangguniang Panlalawigan at maipaloob sa AIP para sa agarang implementasyon kapag may dumating na pondo mula sa nasyunal.

Binanggit naman ni Alingig ang ilan sa mga malalaking proyektong nakapaloob sa AIP na hinahanapan ng kapartner para sa konstruksyon at operasyon kabilang na ang pagtatayo ng stop over sa Bayan ng Pantabangan at Government Center sa Bayan ng Talavera.

Kabilang din aniya sa pangunahing popondohan ay ang Micro Layering Livelihood Assistance Program, Goat Multiplier Project at karagdagang pondo para sa Provincial Food Council.— Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/g-JyYXj36Ig


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *