Mga sundalo at pulis, nagdonate ng dugo para sa Valentine’s Day

“Give Blood with Love on Valentine’s Day”, ito ang tema ng isinagawang Mass Blood Donation o Blood Letting ng Premier Medical Center sa NEPPO o Nueva Ecija Police Provincial Office Gymnasium kahapon, kung saan animnapu’t limang bags ng dugo ang naipon mula sa mga volunteers na sundalo at pulis na nakiisa dito.

Ayon kay Dra. Lilibeth Llacuna, Head ng Department of Pathology and Laboratory Medicine ng Premier Medical Center, itinaon nila ang bloodletting sa araw ng mga puso upang mas maging memorable sa mga blood donors ang pagbabahagi ng kanilang buhay sa mga nangangailangan.

Caption:

Dagdag nito, maraming pasyente ang nangangailangan ng dugo kaya mahalaga na ang bawat ospital ay mayroong blood bank para sa mabilisang pagtugon sa mga biglaang pangyayari.

Ang mga naipon na dugo ay dadaan muna sa screening upang masiguro na ang dugo ay ligtas bago isalin sa mga pasyente.

Sa pahayag naman kay Señorita Sheryl Lavandero, Assistant Head ng Blood Bank Premier Medical Center, aniya nagkasundo ang kanilang pagamutan at ang kapulisan na kada tatlong buwan ay muli silang magsasagawa ng bloodletting upang makalikom at makatugon sa pangangailangan ng mga pasyente sa Nueva Ecija.

Dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan, handog ng mga sundalo at pulis sa tulong ng Premier Medical Center, Cabanatuan City.

Sinabi din nito ang kagandahan at benepisyong makukuha ng katawan sa pagdodonate ng dugo: nakatutulong ito para sa pagbaba ng kolesterol, nagpapataas ng red blood cell, at sa pamamagitan nito ay malalaman ng donors kung sila ba ay mayroong mga seryosong sakit na kinakailangan ng agarang gamutan.

Ang mga magdodonate ng dugo ay dapat na: nasa 55 kilos pataas ang timbang, hindi nakainom ng alak sa loob ng bente kwatro oras, dapat ay may walong oras na tulog, hindi nakainom ng gamot tulad ng anti-biotic, kung nakainom man ay palipasan muna ng dalawang linggo bago magpakuha ng dugo.

Para naman sa mayroong mga tattoo sa katawan, dapat ay mayroon ng isang taon ang tattoo o higit pa bago magdonate ng dugo.

Nilinaw din ni Lavandero na ang dugo ay libre sa mga pasyenteng nangangailangan nito, ang halagang 2, 800 pesos na binabayaran ng mga ito ay para sa screening ng dugo bago ito isalin.

Sa mga nais maging bahagi ng bloodletting program ay maaari kayong magtungo sa Premier Medical Center, alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon, araw-araw at para sa iba pang katanungan ay bisitahin lamang ang kanilang facebook page na PMC Blood Bank.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *