Mga tradisyunal na larong pinoy, nais ibalik ni Governor Oyie Umali sa bawat paaralan sa probinsya

Naniniwala si Governor Aurelio Umali na anuman ang pinagdaraanan ng bansa o ng bawat indibidwal ay kakayaning harapin at lampasan sa tulong ng pananalangin sa Poong Maykapal.

Isa ang depresyon sa mga suliraning nakikita ni Gov. Oyie na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno dahil ito ay seryosong usapin at isa sa nagiging sanhi ng pagpapatiwakal ng isang tao.

Sa ika-dalawampu’t apat na episode ng Usapang Malasakit sa Lipunan noong Martes, February 18 ay inihayag ng gobernador ang kanyang kagustuhang maibalik sa mga paaralan ang mga tradisyunal na laro tulad ng tumbang preso, harang taga, syatong, luksong tinik, at piko upang magkaroon ng pagkakataon ang mga kabataang makisalamuha sa ibang tao at maramdaman nila ang kasiyahan at pagiging kabahagi ng lipunan.

Para sa punong panlalawigan napakahalaga ng interaksyon o pakikipag-usap ng nakararanas ng depresyon sa ibang tao upang kahit paano ay maibsan ang nadarama nitong kalungkutan at maibahagi nito sa kapwa ang kanyang problema sa buhay.

Sinabi din ni Gov. Oyie na makikipag-ugnayan ang provincial government sa Department of Education-Nueva Ecija at sa mga faith leaders upang makabuo ng mga programa kung paanong muling bubuhayin ang mga lumang larong pinoy para sa mga kabataang Novo Ecijano.

Aniya, importante ang paggabay ng mga faith leaders upang makabuo ang pamahalaang panlalawigan ng mga programang makatao at maka-Diyos.

Iminungkahi naman ni Fr. Arnold Abelardo ng Ako ang Saklay Inc. na isama na rin sa bubuuing programa ang kulturang pinoy sa pagsasaka upang maipamulat sa mga kabataan na simple lamang ang pamumuhay noon.

Kaugnay nito, nakatakda umanong makipagpulong si Atty. Jose Marie San Pedro, Provincial Tourism Officer kay Schools Division Superintendent Jessie Ferrer ng DepEd-NE upang imungkahi na sa halip na dalhin sa malalayong lugar ang mga estudyante para sa kanilang tour ay dalhin na muna sila sa mga makasaysayan at maipagmamalaking tourist destination dito sa lalawigan para sa pag-angat ng ating turismo.

Kasabay ng muling pagbuhay sa mga tradisyunal na laro ay isasama na rin sa pinaplanong programa ang pagpapaunlad sa  kulturang pinoy at pagpapalago ng turismo sa lalawigan, kaya naman inatasan ni Gov. Oyie sina Atty. San Pedro at Fr. Alebardo na bumuo ng module para dito. – Ulat ni Jovelyn T. Astrero

Watch – Mga tradisyunal na larong pinoy, nais ibalik ni Governor Oyie Umali sa bawat paaralan sa probinsya


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *