Mga Vice Governor at Bokal na naglingkod sa kapitolyo, idi-display sa tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan

Planong isama sa gagawing renobasyon ng mga tanggapan ng Sanggunian Panlalawigan na sisimulan nitong Enero ang pagdi-display ng larawan ng mga Vice Governor at Bokal na minsan nang naglingkod sa Kapitolyo.

Layon ng SP na maipakilala sa publiko ang mga dating miyembro ng Sanggunian na parte na ng kasaysayan.

Ayon kay Philippine Councilor’s League (PCL) – Nueva Ecija Chapter President Belinda Palilio, iminungkahi niya ito upang makilala ng mga mamamayan lalong higit ng mga susunod na henerasyon ang mga mambabatas na umupo at kasalukuyang nakaupo sa konseho.

Ito ay pangkalahatang sinang-ayunan ng mga Bokal at ni Vice Governor Anthony Umali.

Sa pahayag ng Pangalawang Punong Lalawigan, ang mga larawan ay ilalagay sa gagawing conference hall ng SP.

Suhestiyon naman ni 2nd District Board Member Esmeraldo Abalos, maging sa gagawing website ng Sanggunian ay ipaskil din ang mga larawan at pangalan ng mga dati at kasalukuyang miyembro.

Matapos na ito ay pagkaisahan na aprubahan din ng SP ay ipinahayag ni VG Umali na kailangan rin nilang magpasa ng pondo para sa pagmimintina ng bubuoing website.

Ang patuloy na mga pagbabago sa SP ay bahagi ng hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan na maibigay sa mga Novo Ecijano ang maganda at may malasakit na serbisyo. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *