“Millenials take your place, spread your wings, find your perfect spot” mensahe ni Gov. Cherry Umali sa Moving Up Ceremony ng NEHS

Umabot sa isang libo dalawang daan at dalawampu’t dalawang mag-aaral ang nagtapos ng Junior High sa Nueva Ecija High School, kung saan nagsilbing Guest Speaker si Governor Czarina “Cherry” Umali.

Pagbangon mula sa kabiguan at paglingon sa pinagmulan, ito ay kabilang sa naging mensahe ni Governor Czarina Umali sa Moving Up Ceremony ng mga Junior High ng Nueva Ecija High School.

Sa kanyang mensahe, inihalimbawa ng Gobernadora ang ibon sa mga estudyante na malayang lumilipad tungo sa pagkamit ng mga nais marating sa buhay.

Ang lahat ng mga natutunan mula sa Paaralan ay magsisilbi aniyang pakpak ng mga ito upang liparin ang kanilang mga pangarap.

Aniya, tulad ng mga ibon, mapagod man sa paglipad, dumating man ang mga kalamidad na magpapahina sa kanilang pagkatao ay dapat na muling bumangon at ibuka ang mga pakpak upang lumipad muli.

Mahigit sa 1200 mga estudyante ng Nueva Ecija High School ang nagtapos ng Junior High at haharap sa panibagong yugto ng pagkatuto.

Kapag nakamit na ang mga mithiin sa buhay, ay maging katulad aniya ng ugat ng mga puno, malayo man ang ginapang, kapag ito’y sinundan ay makikita kung nasaan ang pinagmulan.

Matuto aniyang lumingon sa pinanggalingan at magpasalamat sa mga taong naging daan tungo sa kanilang tagumpay.

Sa panayam kay Principal IV Rowena Caoile ng NEHS, labis ang pasasalamat ng kanilang eskwelahan sa pagpapaunlak ni Gov. Umali na magbigay ng makabuluhan at makahulugang talumpati para sa mga nagsipagtapos.

Nagpapasalamat din aniya sila sa Gobernadora dahil sa nakatakdang pagpapagawa ng Learning Tambayan na nagkakahalaga ng 1.5 million pesos sa kanilang paaralan na magagamit sa mga Remedial Teaching, Remedial Reading, at mga pagpupulong ng mga estudyante.

Inaasahang sisimulan ang Learning Tambayan ngayong bakasyon, maliban pa dito ay magbibigay din aniya si Governor ng dalawang malalaking bentilador para sa kanila.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *