Motibo sa pagpatay sa staff ni Former Nueva Ecija Governor Cherry Umali, inaalam pa ng awtoridad

Inaalam pa rin umano ng mga awtoridad ang motibo at mastermind sa likod ng pagpatay sa staff ni Former Nueva Ecija Governor Cherry Umali mahigit dalawang taon na ang nakalilipas.

Ito ang inihayag sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay PLTCOL Heryl Bruno, Chief of Police ng San Jose City sa panayam ng Balitang Unang Sigaw.

Nito lamang September 5, 2020 ay hinuli ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest ang trenta anyos na si Ronald Magat y Geron, residente ng Tondod, San Jose City na itinuturong lookout umano sa pamamaril kay Mary Anne Hernandez, Chief Administrative Officer ng pamahalaang panlalawigan, sa Shell Gas Station sa bayan ng Talavera noong January 14, 2018.

Ayon kay PLTCOL Bruno, inaasahang makatutulong si Ronald para pagdugtung-dugtungin kung paano pinlano at isinagawa ang nasabing krimen at upang maresolba na ito.

Matatandaan na January 25, 2018 nauna nang nadakip at kinasuhan ng Murder at Frustrated Murder ng Special Investigation Task Force Hernandez ang mag-amaing Anastacio at Armando Geron Jr. kasama rin dito si Reynaldo Iglesias na sumuko naman sa kapulisan.

Napag-alaman na magkakamag-anak at magkakapit-bahay ang apat na mga suspek at gun for hire umano ang kanilang hanap-buhay.

 Sinubukan nating kunin ang panig ni Ronald na kasalukuyan pa ring nakakulong dito sa custodial facility ng San Jose City Police Station ngunit tumanggi itong magpa interview.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *