Muslim at magsasaka, itinanghal na Dangal ng Kabataang Novo Ecijano 2018

Dahil sa katangi-tanging tagumpay, galing at talino sa larangan ng pamumuno at dedikasyon sa paglilingko sa kabataan at pamayanan ay pinarangalan ang Muslim na si Noorain Sabdulla at ang batang magsasaka na si Ernesto Perlas Jr. bilang Dangal ng Kabataang Novo Ecijano0 – Special Citation of Excellence 2018 kahapon, September 25, 2018 sa Sierra Madre Suites, Palayan City.

Si Sabdulla ay National at Region III Awardee sa Ten Outstanding Students of the Philippines, dating student leader ng College of the Immaculate Conception at nakikilahok sa maraming humanitarian at charitable activities sa bansa habang si Perlas naman ay ginawaran na ng Department of Agriculture bilang Regional Gawad Saka Awardee at Outstanding Young Farmer 2017 and 2018.

Ayon sa Chairman ng Provincial Youth Development Office na si Billy Jay Guansing, ang Dangal ng Kabataang Novo Ecijano – Special Citation of Excellence 2018 ay itinatag ng Ina ng Lalawigan Governor Czarina Domingo Umali para bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na hindi nakalahok sa TOYNE o ang The Outstanding Young Novo Ecijanos na kilalanin ang kanilang mga naiambag sa lipunan.

Kabilang din sa pinarangalan kahapon ang tatlong mag-aaral at limang young professionals para sa TOYNE 2018 kung saan isa-isa itong binigyan ng pagkilala sa kanilang mga kahanga-hangang talino at galing ng mga ito sa kanilang mga napiling larangan.

Para sa Student Category ang mga nagwagi ay sina Marius Adrian Pablo ng Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST, Jackielyn Pengson ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges o MVGFC at Arnie Valdez na nagmula din sa NEUST.

Habang ang limang namukod tangi naman sa Young Professional Category ay sina Ralph Marius Fermin, Luijim Jose, Mark Edrian Macaso, Reignfred Ruiz at Aren Siriban.

Sinabi ni Jackielyn Pengson, 4th year student sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education at isa sa mga kinilala sa student category, ay ipagpapatuloy lang niya ang mga ginagawa niyang maganda lalo na ang pagtulong sa mga out-of-school youth na makapag-aral sa Alternative Learning System o sa TESDA.

Ang TOYNE ay nasa ika-6 na taon nang pagbibigay ng pagkilala sa mga mahuhusay at natatanganing kabataan ng lalawigan na itinatag at sinimulan noong taong 2013 sa pangunguna ni Former Governor Aurelio Umali at hanggang sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy ng Ina ng Lalawigan Governor Czarin0a Umali.

Nag-iwan naman ng mensahe si Guansing sa mga kabataan na makiisa sa mga programang inilalaan ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga kabataan at patuloy na maging huwarang miyembro ng lipunan.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *