Nagdonate ng 3,000 na sako ng palay na may timbang na 20 kilo per bags ang Philippine Rice Institute (PhilRice) sa Provincial Government ng Nueva Ecija bilang suporta sa pamamahagi ng ayudang bigas sa mga Novo Ecijano.

Ayon kay Julian Macadamia, Science Research Specialist II, Regional Coordinator ng Rice Competitiveness and Enhancement Fund ng PhilRice, ang mga low germination seeds na kanilang ipagkakaloob sa pamahalaang panlalawigan ay hindi na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka upang itanim pero maaaring ipagiling para maging bigas.

Ani Macadamia, layunin nilang makatulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan lalo na ngayong panahon ng krisis sa kalusugan.

Pumirma si Governor Aurelio Umali sa Deed of Donations ng PhilRice bilang malugod na pagtanggap sa tulong, kasama si Provincial Social Welfare and Development Officer Elvie Ronquillo na mangangasiwa sa pagpapagiling at pamamahagi ng bigas.

Sinabi ni Gov. Oyie isang pamamaraan ito upang maiparamdam sa mga mamamayan ang tunay na malasakit ng PhilRice at ng provincial government sa kabila ng kinahaharap na pandaigdigang krisis sa kalusugan.

Dagdag ng gobernador, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na naging katuwang ng kapitolyo ang naturang institusyon sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan dahil lagi silang nariyan upang sumuporta sa iba pang programa ng lalawigan.- Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch here: Nagdonate ng 3,000 na sako ng palay na may timbang na 20 kilo per bags ang Philippine Rice Institute (PhilRice)


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *