NCCA, suportado ang planong kauna unahang grandest festival ng lalawigan

Suportado ng NCCA o National Commission for Culture and the Arts ang plano ng turismo sa lalawigan na magkaroon ng kauna unahang grandest festival sa Nueva Ecija

Sa ginanap na ‘Introduction to Festival Dance’ kahapon , July 17, 2019 ay ipinagmalaki ni Armando Giron, Organizer ng festival dance na magkakaroon na ng direktang koneksyon ang lalawigan sa NCCA o National Commission for Culture and the Arts dahil handa umanong tumulong ang NCCA sa plano ng Provincial Government Tourism Team na magkaroon ng kauna unahang grandest festival sa lalawigan.

Dagdag pa nito, sa pamamagitan umano ng pag-aaral at pagtuturo ng kaalaman at konsepto sa mga festival dance ng NCCA Team sa mga Tourism Officers ay makakakuha sila ng ideya, makukumpuni at mapapaganda pa ang ipinagmamalaking festival sa kani-kanilang siyudad.

Mahalaga naman aniya na hango ang mga festivals sa kanilang culture at arts ayon kay guest speaker mula NCCA na si Lordino Vergara. Dapat rin aniya nilang mainitidihan ang sining at kultura para makabuo ng solido at maayos na sayaw para sa kanilang festivals.

Layunin naman ng pagtitipon ani Tourism Head Atty. Jose Maria San Pedro na magkaroon ng malalim na kaalaman, mabigyan ng magandang pundasyon at direksyon, maipakilala at maitanghal ang iba’t ibang magagandang festivals sa buong lalawigan.

Malaki naman aniya ang maiiambag ng mga festivals sa turismo sa lalawigan dahil ito ang magbubukas at aakit ng maraming turista na papasyal sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa kasalukuyan ay may iba’t ibang festivals na ang lalawigan; Gintong Ani Festival, Sibuyas Festival ng Bongabon, Mais Festival, Gulayan Festival ng Gabaldon, Tsinelas Festival ng Gapan, Palay Festival ng Rizal, Kariton Festival ng Licab at Taong Putik Festival ng Aliaga.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *