NE Multi-Sectoral and Inter-Agency Task Force, inilatag ang mga gampanin ng bawat ahensiya vs COVID-19

Sama-samang dumalo ang mahigit kumulang dalawang daang katao sa ikinasang Nueva Ecija COVID-19 forum ng Multi-Sectoral and Inter-Agency Task Force na ginanap sa Dr. PJG Memorial Research and Medical Center, noong February 18, 2020.

Sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali, ay dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang mga kawani ng Department of Health (DOH), Department of Education (DEPED), Department of Interior and Local Government (DILG), Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), Ako ang Saklay, mga department heads ng provincial government, mga kinatawan ng Rural Health Unit (RHU) at Barangay Health Workers (BHW) ng iba’t-ibang bayan at lungsod.

Tinalakay ng mga representante ng DOH-NE at PJG hospital sa nasabing forum ang mga impormasyon ukol sa COVID-19, paano ang pagtukoy sa  Person Under Investigation (PUI) at Person Under Management (PUM), daloy ng referral mula sa komunidad o ospital hanggang sa pagdala sa isolation room sa PJG hospital at mga polisiya ng kagawaran at ospital sa paglalabas ng mga impormasyon.

Habang ipinaalam naman ng DEPED-NE ang kanilang mga ginagawang hakbang upang maproteksiyunan ang mga estudyante at guro sa bawat paaralan sa lalawigan.

Inilatag naman ng DILG-NE ang nilalaman ng Memorandum Circular No. 2020-023 na tumutukoy sa mga gampanin ng bawat tagapamuno mula sa barangay, munisipyo, siyudad at lalawigan sa pamamahala at paghahanda sa COVID-19.

Ayon kay Gov. Umali, dalawang virus ang kalaban ng buong lalawigan, ang Corona Virus Disease 2019 at ang Fake News Virus sa social media.

Kaya minarapat ng Punong Lalawigan na magkaroon ng isang social media account ang task force na ang mga ipo-post na impormasyon dito ay galing sa mga lehitimong account ng DOH at World Health Organization (WHO). Katuwang ang mga miyembro nito, ang bawat post ay isha-share upang madaling maipalaganap ang tamang impormasyon sa publiko.

Pagbibigay diin ng Gobernador, dalawang bagay ang napakahalagang tandaan ng bawat isa. Una, ang hotline number ng DOH-NE na 0918-245-4000 at ang www.gov.ph/2019-ncov na official website ng DOH.

Matatandaan na binuo ang task force sa pamamagitan ng Executive Order 001 series of 2020 ni Gov. Umali. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – NE Multi-Sectoral and Inter-Agency Task Force, inilatag ang mga gampanin ng bawat ahensiya vs COVID-19


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *