NECSL SEASON 4, MATAGUMPAY NA NATAPOS; WU-P RIDERS, HINAKOT ANG TATLONG TITULO

Doc Anthony Umali, nagbigay ng hudyat sa pagbubukas ng NECSL Season 4 na pinakaaabangan na liga ng mga kolehiyo at unibersidad.
Doc Anthony Umali, nagbigay ng hudyat sa pagbubukas ng NECSL Season 4 na pinakaaabangan na liga ng mga kolehiyo at unibersidad.

     Sa pagbubukas pa lamang ng NECSL Season 4 noong buwan ng Setyembre ay  nakitaan na ng determinasyon ang koponan ng 11 eskwelahan, upang makuha ang tropeo, hanggang sa pagtatapos ng kompetisyon ay nanatili pa rin sa mga manlalaro ang sigasig upang makapagbigay karangalan sa kani-kanilang mga inirerepresentang paaralan.

     Ayon kay NECSL Season 4 Commissioner Alvin Grey, masasabing maayos at mapayapa ang naging daloy ng palaro ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong taon.

WU-P Riders

     Mula sa pormal na pagbubukas ng palaro ay namayagpag na ang Wesleyan University-Philippines sa pagkakauwi ng titulo ni Thaddy Mae Santos ng korona bilang Miss NECSL Season 4.

     Nangibabaw rin sa dance floor ang kanilang pambato sa dance sport na todo bigay sa pag-indayog ng iba’t ibang klase ng tugtugin at dance steps.

     Naghari rin sa basketball court ang Wesleyan Riders na nagpataob sa siyam na koponan mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo na kalahok sa naturang patimpalak.

     Nagpakita naman ng malaking suporta ang mga fans at supporters’ ng bawat koponan sa bawat laban ng kanilang kinabibilangang paaralan.

     Super proud naman ang mga mag-aaral ng Wesleyan sa nakamit na tagumpay ng kanilang naging pambato sa naturang kompetisyon.

     Nakamit naman ng CLSU Green Cobras ang 2nd place sa Men’s Basketball, 3rd place ang Midway Marshalls at 4th place ang CIC Kings.

     Habang napagtagumpayan naman ng CRT Blue Fox ang kampeonato  sa Women’s Volleyball na bigong talunin ng Wesleyan Riders sa finals, ang CIC Kings naman ang nakakuha ng 3rd place, habang nasungkit ng La Fortuna Spartans ang 4th place.

     Inaasahan naman umanong muling babalik sa court ang team ng NEUST Phoenix sa NECSL Season 5 sa susunod na taon.

     Labis naman ang pasasalamat ni Grey sa Pamahalaang Panlalawigan lalo na kina Governor Aurelio Umali at Congresswoman Cherry Umali sa patuloy na pagsuporta sa mga kabataang Novo Ecijano upang mapataas ang kasanayan ng mga ito sa larangan ng sports.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *