NELEx Project, dadaan sa tatlong bayan at apat na lungsod ng Nueva Ecija

Tatlong bayan at apat na lungsod dito sa Nueva Ecija ang dadaanan ng NELEx o North Eastern Luzon Expressway Project sa ilalim ng Build, Build, Build Program ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Partikular umano na dadaanan ang mga bayan ng San Leonardo, Sta. Rosa at Talavera at mga Lungsod ng Gapan, Cabanatuan, Muñoz at San Jose ng naturang proyekto ng DPWH o Department of Public Works and Highways katuwang ang kumpanyang Arup Group Limited.

Sa presentasyon ng Senior Geologist ng Arup na si Thomas Bush sa Joint Meeting ng Local Special Bodies ng Nueva Ecija sinabi nito na ang layunin ng NELEx Project ay makapagbigay ng alternatibong ruta sa mga motorista na magmumula dito sa probinsya patungo ng Cagayan Valley Region.

Sa kasalukuyan ay nasa ikalawang bahagi na ang Feasibility Study para dito at kabilang sa mga isasagawa ang pagtatasa ng magiging epekto nito sa kalikasan at lipunan, pagtukoy sa halagang magagastos at magiging disenyo, pag-aaral sa lupang pagtatayuan at ang feasibility study report ng proyekto.

Kasama na rin ang paggawa ng Preliminary Design ng NELEx na tatagal ng anim na buwan.
Target na mayari ang Stage II ng Feasibility Study ngayong taon at masimulan ang konstruksyon sa 2020.

Oras na natapos ang NELEx ay inaasahan na luluwag na ang daloy ng trapiko sa ilang mga bahagi ng Maharlika Highway sa mga lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija.

Ang NELEx ay isang 92.1 kilometer toll road na magsisimula sa Quezon City, dadaan sa San Jose Del Monte City, Santa Maria, Norzagaray, Angat, San Ildefonso at San Miguel sa Bulacan pati na rin ang pitong lugar dito sa Nueva Ecija na nauna nang nabanggit na naging dahilan para mapasama ang presentasyon ng proyekto sa Joint Meeting.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *