NEPPO at Pamahalaang Panlalawigan, lumagda sa MOA ukol sa Community and Service-Oriented Policing (CSOP) system

Pormal nang nilagdaan ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) at Provincial Government ang Memorandum Of Agreement (MOA) na tanda ng pakikiisa sa Community and Service-Oriented Policing (CSOP) System ng NAtional POLice COMmission (NAPOLCOM) na ginanap sa Old Capitol, Cabanatuan City.

Pinangunahan ito nina NEPPO Provincial Director PSSUPT Eliseo Tanding at Provincial Tourism Officer Lorna Vero bilang kinatawan ni Gov. Cherry Umali.

Pumirma rin sa kasunduan ang tatlumpu’t dalawang hepe ng pulisya at alkalde ng lungsod at bayan sa lalawigan.

Ayon kay NAPOLCOM Crime Prevention and coordination Service Chief Donna Lynn Caparas, ang CSOP ay pagsasanib puwersa ng tatlong hanay na binubuo ng kapulisan, lokal na pamahalaan at mamamayan tungo sa magkaagapay na pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad.

Aniya, ito ang magiging Crime Prevention Strategy ng mga law enforcers sa bansa.

Ang CSOP ay enhanced program ng Community Oriented Policing System (COPS), kung dati ay mamamayan ang partner ng pulis sa pagsugpo ng krimen sa komunidad. Ngayon sa CSOP, ay kinilala na rin ang malaking papel na maitutulong ng mga lokal na pamahalaan sa pagbuo at pag i-implementa ng programa.

Ayon kay PD Tanding, ilang beses na nilang napatunayan ang kahalagahan na ginagampanan ng LGU at komunidad sa pagtulong sa pagsugpo ng krimen sa lalawigan.

Isa na nga rito ang mabilis na pagkaresolba ng kaso sa pagpatay kay General Tinio Mayor Ferdinand Bote. –Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *