NEUST, WUP at CRT doble ang panalo sa unang araw ng elimination round sa Men’s and Women’s Volleyball ng NECSL Season 7

Buena mano ang nakuhang panalo ng anim na koponan sa unang araw ng elimination round ng Men’s and Women’s Volleyball sa Nueva Ecija Collegiate Sports League o NECSL Season 7 noong September 20, 2018.

Sa first game ng Women’s Volleyball, inilampaso ng NEUST Phoenix ang MVGFC Ambassadors sa pamamagitan ng score na 25-3 at 25-4.

Sa ikalawang laban, mahigpit ang naging labanan ng WU-P Riders at CIC Kings. Ngunit, matapos ang tatlong set ay hindi na pinausad ng Riders ang Kings sa score na 26-24, 21-25 at 15-11.

Pinostehan naman ng ELJ Hawks ang panalo kontra OLSCHO sa dalawang set sa score na 25-19 at 25-17.

Sa huling game, CRT Blue Fox at OLFU Cabs ang nagtapat. Sa unang set ay hindi na pinaporma ng Blue Fox ang Cabs. Pero, humabol ang huli sa ikalawang set ngunit bigo pa rin na manalo laban sa CRT.

Pagdating naman sa unang laro ng elimination round sa Men’s Volleyball, pinadapa ng CIC Kings ang OLSCHO sa score na 25-8 at 25-11.

Nakamit naman ng NEUST Phoenix ang unang panalo kontra ELJ Hawks, sa pamamagitan ng 25-16 at 25-19 na score.

Wagi rin ang WU-P Riders sa pamamagitan ng 25-18 at 25-11 na puntos kontra MVGFC Ambassadors.

At sa ika-apat na game, hindi na pinausad ng CRT Blue Fox sa third set ang laban sa score na 25-19 at 25-15 vs OLFU.

Samantala, sa ikalawang araw ng Men’s Basketball na ginanap noong September 22, tinambakan ng WU-P Riders  ang OLFU Cabs sa final score na 112-42.

Ganun din ang nangyari sa second game, kung saan pinataob ng NEUST Phoenix ang OLSCHO sa puntos na 142-24.

Dikit man ang naging labanan, pumabor pa rin sa MVGFC Ambassadors ang laro kontra GJC Generals 109-91.

At sa 4th game, pinatikim ng talo ng CLSU Green Cobras ang champion sa Men’s Basketball noong nakaraang taon na CIC KINGS sa score na 85-44.

Nakatakdang muling magharap-harap ang siyam na koponan bukas, September 26, sa NEUST Sumacab Campus mula alas-otso ng umaga hanggang ala-singko ng hapon. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *