Talavera at Gen. Natividad, nais na maisailalim sa State of calamity dahil sa pinsala ni bagyong Ompong

Dalawa sa mga bayan na pinaka matinding hinagupit ng Bagyong Ompong  sa Nueva Ecija ang Talavera at General Natividad kung saan wala na umanong aanihing palay at gulay ang mga magsasaka kaya naman nais nang maideklara ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng state of calamity.

Base sa Damage Assessment Report ng Municipal Agriculture Office  ng Natividad as of September 15, 2018, umaabot sa isang daang milyong piso  ang halaga ng mga napinsala sa bayan ng Natividad. Ang pinakanapinsalang pananim ay palay na umabot sa 24, 698,535 milyong piso,  sumunod ay ang mais na  umabot din sa 1,225,620 milyong piso habang ang livestock naman ay nasa 528, 000 pesos.

Ayon  kay Benjamin S. Manuel Jr., Executive Officer ng DRRM, Gen. Natividad, pinakaapektado sa lugar nila ay mga pananim ng mga magugulay.

Nagkaron na aniya sila ng pagpupulong  upang magdeklara ng state of calamity sa kanilang bayan, nagsagawa din ng aktwal na pagtatasa at pamamaraan ng pagbibigay ng pamahalaan ng  subsidiya para makakuha ng agaraang ayuda ang mga magsasaka.

Kabilang sa mga magsasakang apektado sa bayan ng Gen. Natividad ay  si tatay Bienvinido Maolino,  animnapu’t limang taong gulang na at kasalukuyang  magugulay sa walong ektaryang lupang pag aari nito. Kwento ni tatay, makailang beses na silang nakararanas ng ganitong kalamidad at hanggang ngayon ay wala  pa din aniya silang natatanggap na ayuda mula sa gobyerno. Malungkot man si Tatay Bienvinido  sa nangyari sa kanilang pananim ay  nagpapasalamat pa rin siya dahil ito lang aniya ang kanilang sinapit kumpara sa ibang lugar na labis na nasalanta ni bagyong Ompong.

Samantla, ayon naman kay Denmark Ramos, Local Disaster Risk Reduction Management  Officer ng Talavera, halos 86.79% ng  53 Barangays ng Talavera ang naapektuhan ng bagyong Ompong. Dahilan kaya napagdesisyunan nila na kailangan nilang magdeklara ng State of calamity.

Umabot sa  230,123,895.75 milyong piso ang halaga ng mga pananim na napinsala, 399, 600 pesos naman ang  nasira sa mais at  166, 800  pesos ang naitala sa livestock at Poultry sa kanilang bayan.

Hiling naman ni Kapitan  Edgar Garcia at ng mga Konsehal ng Barangay  Bagong Silang Talavera,  na may 138 ektaryang lupa sa kanilang barangay at pare parehong may patanim na palay, sana ay makabawi na  lamang sa halagang  daang libong pisong kanilang   ginastos o pinuhunan sa pagtatanim na ipinangutang lamang  umano nila.

Panawagan pa nito, na sana ay matugunan at mabigyang atensyon ang mga pangaingailangan ng magsasaka katulad na lamang ng ayuda na mangagaling sa gobyerno lalo na sa mga ganitong sitwasyon.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.

 

6 Medalya, naiuwi ng mga Atletang Novo Ecijano sa Batang Pinoy 2018 Championship

Nakapaguwi ng karangalan sa lalawigan ang anim na Atletang Novo Ecijano sa pagkakasungkit ng anim na medalya sa larong Taekwondo sa ginanap Batang Pinoy 2018.

Tatlo ang nakakuha ng gintong medalya, isang silver medal at dalawang bronze ang nakamit ng mga magigilas na Atletang Novo Ecijano.

Ang mga ito ay kinilalang sina Aikrisna Asuncion, Sharifa Vianca Dela Cruz at Marinel Burton na nakasungkit ng gold medal, silver medalist naman si Reniel Joseph Badiola. habang sina Rajany Darlyn Santos at Lowell John Lladones ang nakakuha ng bronze medal.

Ipinakita ng mga naturang manlalaro ang kani – kanilang galing , bilis at tatag sa nasabing laro na nagpatumba sa mga nakatapat nitong kalaban.

Pasasalamat naman ang pahayag ni Project Evaluation Officer II Provincial ng NE Johann Ocampo sa buong suporta na ibinigay nina Governor Czarina “Cherry” Domingo  Umali, Atty. Oyie Matias Umali at Doc Anthony Matias Umali.

Umani ng pagbati ang facebook post ni Ocampo, tungkol sa mga magagaling na manlalaro ng Nueva Ecija.

Sa fb post naman ni gold medalist Rajan Darlyn Santos, ay una niyang pinasalamatan ang Panginoon, sabay sabi na “Sometimes by losing a battle you find a new way to win the war”.

PDRRMO-NE, tutulong sa rescue operation sa Benguet

Umakyat ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Nueva Ecija patungong Benguet upang tumulong sa paghahanap sa mga natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet, kahapon, September 19, 2018.

Sa panayam namin sa telepono kay PDRRMO Michael Calma, base na rin sa inisyatiba ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ay malugod na pumayag ang tanggapan na makatulong sa retrieval operation sa Itogon landslide.

Dagdag ni Calma, laging handa ang Pamahalaang Panlalawigan na tumulong sa mga sitwasyon na kagaya ng search and recovery operation.

Aniya, nagpadala ang pamahalaan ng siyam na trained personnel na may bitbit na Personal Protective Equipment (PPE).

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa labing siyam na umanong bangkay ang narekober habang pinangangambahan na mahigit limampu ang nailibing ng buhay at patuloy na pinaghahanap sa landslide na iniwan ng bagyong ompong.

Sa pahayag ni Itogon Mayor Victorio Palangdan, pahirapan ang isinasagawang retrieval operation dahil manu-mano ang ginagawa ng mga response unit.

Samantala, bukod sa team ng PDRRMO, ay kasama rin nila ang Mobile Kitchen ng Provincial Government upang maghatid ng libreng serbisyo sa malawakang operasyon sa Benguet.

Inaasahan na limang araw na mamalagi ang grupo sa Benguet.

Hangad ng Pamahalang Panlalawigan na lubos na makatulong at magbigay ng malasakit sa mga biktima ng landslide. –Ulat ni Danira Gabriel

Duterte, inutusan ang DPWH na magpagawa ng gym na magagamit din bilang Evacuation center

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Public Works and Highways (DPWH) noong linggo, na gumawa at magdisenyo ng mga bagong gymnasium na magagamit bilang evacuation facilities sa panahon ng Kalamidad.

Sa isang press briefing na ginanap sa Tuguegarao City,sinabi nito na gusto niyang maiwasan na gamitin ang mga school facilities na malimit na nagsisilbing evacuation center, na nagreresulta ng pagsususpendi ng klase.

Dagdag pa nito, kaya naman aniya itong solusyunan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga himnasyo na hindi lang magagamit sa mga sports events kundi magsisilbi ring evacuation centers sa panahon ng kalamidad, kagaya na lamang ng nasa Davao.

Dito sa Nueva Ecija ay mayroon din ipinatayo si former Governor Aurelio ‘Oyie’ Umali na Multi-Purpose Covered Court sa mga bayan at lungsod sa probinsiya na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga residente na apektado ng kalamidad.

Kagaya na lamang nitong nagdaang bagyong Ompong kung saan ito ang kadalasang ginagamit na silungan ng mga inililikas na mamamayan na nakatira sa mga delikado at bahaing lugar.

Samantala, nagsagawa din ng aerial inspection ang Pangulo noong linggo sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Ompong.

Ayon sa latest tally ng Philippine National Police, nasa limampu’t siyam ang naitalang namatay. Maari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi dahil sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paghahanap at paghuhukay sa mga natabunan sa landslide sa Itogon Benguet na kumitil sa tatlumpu’t tatlong katao. -Ulat ni Getz Rufo Alvaran.

Halaga ng pinsala sa agrikultura, patuloy na inaalam ng OPA

Patuloy na umiikot sa mga palayan ang Department of Agriculture (DA) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA) para magsagawa ng pagsusuri upang alamin ang kabuuang pinsala ng Bagyong Ompong sa sektor ng agrikultura sa Nueva Ecija.

Base sa partial and unofficial report ng OPA nitong September 17, 2018, ay nasa mahigit dalawang bilyong piso ang halaga ng nasirang palay, gulay at mais sa lalawigan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, magbabago pa ang datos hanggang sa ma-validate na ng mga kawani ng tanggapan ang lahat ng mga bukirin na nasira, dumapa at nalubog sa baha dahil kay Ompong.

Mula sa isinumiteng ulat ng labing walong lokal na pamahalaan ay nagkakahalaga ng P2,873,053.40 ang halaga ng napinsala sa palay sa probinsiya. Lumalabas na ang bayan ng Talavera ang pinaka naapektuhan na umabot sa P197 million, pangalawa ang rizal na may P191 million at pangatlo ang lungsod ng Muñoz na may P178 million.

Umabot naman sa P38 million ang halaga ng nasirang gulay, ang bayan ng Talugtug ang nangunguna na may halagang P12 million.
Habang sa tanim na mais, ay nasa P2.8 million ang naiulat na halaga na kung saan ang bayan ng Quezon ang pinaka-apektado na may halagang P1.4 million.

Sa pahayag pa ng OPA, sa 177,000 ektarya na inabutan ni Ompong na nakatanim na palay ngayong wet season, 20,000 ektarya na ang naani dito habang ang 90,000 ektarya ang naapektuhan ng bagyo.
Dapat aniya na makaani ng 5 metric tons kada ektarya ang mga magsasaka upang hindi malugi.

Kapag nakumpleto na ang hawak nilang datos ay sisimulan na ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka na pinakanasalanta ng bagyo kagaya ng libreng pagpapahiram ng traktora at pagpapautang sa ilalim ng Ani ng Masaganang Uhay (AMU).

Aniya, hindi man nila kayang tulungan ang lahat ng naapektuhan ay wag mawalan ng pag-asa dahil nakaalalay ang Pamahalaang Panlalawigan at Pamahalaang Nasyunal sa mga magsasaka.

Panawagan ng OPA sa mga magsasaka, kung sakaling hindi naisama sa pagsusuri ang inyong mga nasirang pananim ay maaaring dumulog sa inyong munisipyo upang mapabilang sa listahan ang inyong pangalan ng mai-validate ng mga kinauukulan at maging prayoridad sa mga bibigyan ng tulong. –Ulat ni Danira Gabriel

Voter registration para sa 2019 National and Local Elections, hanggang September 29 na lang

Tuloy-tuloy pa rin ang voter’s registration sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan kaya para sa mga nagnanais na humabol sa pagpaparehistro ay maaari pa kayong pumunta sa inyong mga munisipyo para magpatala sa Commission on Elections.

Base sa COMELEC Resolution No. 10392, ang pagfa-file ng application para sa registration para sa May 13, 2019 National and Local Elections ay mula noong July 2, 2018 hanggang September 29, 2018, Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Ang pagpapatuloy ng registration of voters ay isinasagawa nationwide, bukod sa Marawi City, Lanao del Sur.

Ayon kay Election Officer Jose B. Ramiscal ng Commission on Elections – Talavera, importante ang pagpaparehisto para sa mga mamamayan dahil sa karapatang bumoto at magluklok ng lider na mangangalaga sa karapatan ng bawat tao.

Sa kabuuan sa bayan ng Talavera ay mayroon nang 78,151 registered voters at sa ginanap na satellite registration noong July 2018 ay mahigit 4,200 na residente ang nagparehistro at nadagdag dito.

Para sa mga nais pang humabol na magpatala ay magdala lamang ng kahit anong valid ID at kinakailangan na at least ay 18 years old na at isang taon nang residente ng Pilipinas at sa bayan o lungsod na kanyang pagpaparehistruhan.

Samantala, mula sa original schedule ng Certificate of Candidacy filing sa October 1-5 ay inilipat ng COMELEC sa October 11-17, 2018, hindi kasama ang Sabado at Linggo, bilang pagtugon sa apela ng mga mambabatas na ipagpaliban ito para bigyang daan ang kanilang tungkuling lehislatibo.

Inanusiyo ni COMELEC Spokesman James Jimenez, noong nakaraang Miyerkules, September 12, 2018 ang tungkol sa pagpapaliban ng filing.

Ang October 11 ay araw ng Huwebes habang ang October 17 naman ay tumapat sa araw ng Miyerkules, kung saan hindi katulad noong nakaraang taon ay nagsimula ang CoC filing ng Lunes at natapos ng Biyernes

Mga pananim na palay, gulay at prutas, napinsala ng bagyong Ompong sa Nueva Ecija

Napinsala sa pagdaan ng bagyong Ompong sa Nueva Ecija ang mga pananim na palay, gulay at prutas.

Base sa estimation ng Office of the Provincial Agriculture as of September 17, 2018 na isinumite sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nasa higit dalawang bilyong pisong halaga ng palay ang nasira, dumapa at nalubog sa baha.

Bago pa man tumama si Ompong sa bansa, nagsagawa ng Pre-disaster Risk Assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council kung saan inasahan na ng OPA na aabot sa 42% ng palay ang masasalanta ng bagyo sa lalawigan nasa reproductive stage.

Sa initial report ng mga local na pamahalaan mula sa District 1, 2 and 3 na isinumite sa PDRRMO, umaabot mahigit 63-Million pesos naman ang nasalanta sa mga pananim na prutas at gulay.

Patuloy pa ang ginagawang post disaster assessment ng mga Local and Municipal Disaster Risk Reduction Management Office kaya naman inaasahang magbabago pa ang mga nabanggit na halaga ng mga pinsala sa agrikultura.

10.8 Million pesos naman ang halaga ng nasirang imprastraktura sa ilalim ng Department of Public Works and Highways 2 Area 2.

As of yesterday, September 17, 2018 ay lubog pa rin sa baha ang limang bayan sa unang distrito; Aliaga, Guimba, Licab, Nampicuan,, Zaragoza habang tatlo naman sa ikaapat na distrito; ang mga bayan ng Cabiao, San Antonio at San isidro.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay labing-anim na pamilya pa ang nanatili sa evacuation center sa bayan ng San Isidro.- ulat ni Amber Salazar

Halos 3,000 relief goods, ipinamigay ng Provincial Government sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong

Ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang halos tatlong libong relief goods sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Ompong.

Sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), mula kahapon, September 17, nasa 2,943 na piraso ang kabuuang bilang na kanilang naipamahagi sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsiya.

Mula araw ng sabado, kasagsagan ng bagyo ay nagpamudmod na sila ng 811 na relief goods sa evacuation centers sa mga bayan ng Bongabon, Laur, Gabaldon at Peñaranda.

Pagdating ng araw ng linggo, ay bumaba ang Provincial Government sa apat na barangay sa lungsod ng Cabanatuan na kinabibilangan ng brgy m.s. garcia, brgy vijandre (Lazaro Francisco Elementary School), brgy villa ofelia at brgy sangitan east na may kabuuang bilang na 732 relief packs at may kasama pang hygiene kits.

Araw ng lunes, kahapon, patuloy na namahagi ng 1,400 relief goods sa mga barangay ng aduas sur, aduas norte, barrera at matadero ng Cabanatuan City.

Ayon kay PSWDO Elvie Ronquillo, base na rin sa inisyatiba ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ay palagi silang handa upang tumulong sa mga nangangailangan lalong higit ngayong panahon ng kalamidad.

Ang mga relief ay mula sa PSWDO habang ang hygiene kits ay galing sa National Disaster Risk Reducation and Management Council (NDRRMC).

Pasasalamat naman ang naging tugon ng mga resideteng nabigyan ng tulong.

Sa pahayag ni Ronquillo, ang lahat ng mga humihingi ng tulong sa kapitolyo ay pagbibigyan at walang pipiliin.

Inaasahan na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng Provincial Government sa mga nasalanta ng bagyo. –Ulat ni Danira Gabriel

3 Barangay sa bayan ng Quezon, nalubog sa baha; 163 Pamilya, lumikas

Biyernes pa lamang ng hapon noong September 14, 2018 ay nag evacuate na ang mga taga brgy. San Alejandro, Pulong Bahay, at barangay Sto. Cristo sa Quezon.

Ayon kay Barangay Captain Reynaldo Lazaro ng Pulong Bahay na tuwing may kalamidad tulad ng bagyong Ompong ay lagi silang binabaha at nasisira ang kanilang mga pananim kayat bago pa man dumating ang bagyo ay nasa evacuation center na sila.

Umabot umano sa 10 feet ang taas ng tubig baha galing sa umapaw na ilog kaya maraming kabahayan at pananim ang nalubog ng baha na aanihin na sana sa susunod na buwan.

Samantala, binigyan naman ng Pamahalaang  Lokal ng Aliaga at Department of Social Welfare and Development Office ng Relief Goods ang mahigit apat na raang pamilya sa Brgy. Bibiclat na napinsala ang mga pananim na gulay.

Ayon kay Brgy. Captain Mauro Guevarra mabilis na tumaas ang tubig sa ilog dahil sa malakas na ulan dulot ng bagyong Ompong.

Pasasalamat naman ang tugon ng mga residenteng naabutan ng tulong sa naturang lugar.

2 patay, 1 sugatan, 1 nawawala sa Nueva Ecija dahil sa bagyong Ompong

Nag-iwan ng dalawang patay at dalawang sugatan ang bagyong Ompong sa ating lalawigan.

Kinlala ang biktimang si Catherine Garcia y de Guzman, bente tres anyos, apat na buwang buntis, at residente ng Zone 1, barangay Calaocan, San Jose City.

Base sa report ng pulisya, bandang alas otso ng gabi noong September 15, 2018 nadaganan sa loob ng kanilang bahay si Catherine nang mabagsakan ito ng tumumbang puno ng mangga dahil sa masungit panahon.

Dakong alas otso naman nang matagpuan sa tabing ilog sa barangay Ariendo, Bongabon ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang nalunod. Pansamantala itong inilagak sa Palomaria Funeral sa barangay Palomaria.

Comatose si Janeth Balong y Cañezo, trenta’y syete, na nadaganan ng bubong ng kaniyang tindahan nang mabagsakan ito ng puno ng buli sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong noong September 16, 2018 alas nueve ng umaga.

Inulat ng Llanera Police Station na pinaghahanap pa rin ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council at mga barangay officials si Romulo Rojero y Jorda, trenta’y tres anyos, may asawa na natangay ng malakas na alon noong September 16, 2018 alas onse trenta ng umaga habang nangingisda sa Talavera Digdig River sa barangay Caridad Norte, Llanera.

Paalala po sa ating mga kaibigan, lagi po tayong maging alerto at mag-ingat dahil ang krimen ay nangyayari kahit saan, kahit kailan. Ako po ang inyong Bantay Krimen, Clariza de Guzman.

650 relief packs at hygiene kits, ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa 3 Brgy. sa Cabanatuan City na naapektuhan ng Bagyong Ompong

Anim na raan at limapung relief packs at hygiene kits ang ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga residente na naapektuhan ng Bagyong Ompong sa tatlong barangay sa Cabanatuan City, ngayong araw ng linggo, September 16, 2018.

Ito ay hinati sa Brgy M.S. Garcia na may kabuuang 313 na pirasong relief packs at hygiene kits, 304 sa Brgy Vijandre (Lazaro Francisco Elementary School) at Brgy Villa Ofelia na may bilang naman na 33.

Ang mga relief ay mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) habang ang hygiene kits ay galing sa National Disaster Risk Reducation and Management Council (NDRRMC).

Pasasalamat naman ang tugon ng mga resideteng nabigyan ng tulong.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Elvie Ronquillo, base na rin sa inisyatiba ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ang lahat ng mga humihingi ng tulong sa kapitolyo ay pagbibigyan at walang pipiliin lalong higit sa ganitong sitwasyon na may kalamidad.

Nauna nang nagpamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng 811 food packs sa iba’t-ibang evacuation centers sa lalawigan nitong mga nakaraang araw.

Siniguro ni Ronquillo, na may mga nakahandang relief packs para sa iba pang nangangailangan.

 Inaasahan na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng Provincial Government sa mga nasalanta ng bagyo. – Ulat ni Danira Gabriel

 

Tubig sa Dupinga River, Gabaldon dulot ng bayong Ompong, humupa na

As of 3:40 pm september 15, 2018 ay humupa na ang tubig sa Dupinga river, sa bayan ng Gabaldon na isa sa mga minonitor ng Provincial Risk Reduction Management Office dahil umabot sa critical level ang kondisyon nito alas dyes ng umaga sa kasagsagan ng bagyong ompong.

Ayon kay PDRRMO Chief Michael Calma, alas-otso ng umaga September 15, 2018 nang magsagawa ng occular inspection ang kanyang team ay naobserbahan nila ang mabilis na pagtaas ng Dupinga at Coronel river sa gabaldon na bahagi ng Upper Pampanga River.
Katulad ng inaasahan ay nagbaba ng mga debris materials mula sa Sierra Madre ang Amalungan creek sa Sitio Bateria, Bagting, Gabaldon na agad namang nirespondehan ng mga nakaantabay nang heavy equipment ng Provincial Engineering Office at Department of Public Works and Highways para sa clearing operations.

Mananatili ang mga loader, back hoe at dump trucks sa Gabaldon hanggang sa makalabas na ang bagyo at malinis na ang kalsada, sapa at ilog na madedeposituhan ng buhangin at bato galing sa bundok.

Inikot din ng PDRRMO ang Bato Ferry river sa bayan ng Laur, Bangkerohan river sa Palayan city-Bongabon boundary at ang Cabu river sa Cabanatuan City.

Sa ulat ng Provincial Social Welfare Development Office, as of 2pm September 15, 2018 ay may 5,290 food packs na nakahanda nang ipamahagi para sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Sa tala ng PDRRMO, as of 2:00 pm, nasa 1,095 na pamilya na sa buong lalawigan ang nagsilikas sa kanilang mga tahanan at pumunta sa pinakamalapit na evacuation center sa kanilang lugar para makaiwas sa baha.

Alas kwatro ng hapon, September 15, 2018 ay mahigit kumulang dalawanlibong evacuees naman sa Nueva Ecija National High School at Lazaro Francisco Elementary School sa Cabanatuan ang naserbisyuhan ng kitchen on wheels ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.- ulat ni Jessa Dizon

100 pamilya sa bayan ng Sta. Rosa, nag–evacuate, pamahalaang local ng Jaen, namahagi ng relief goods

Umabot na sa isandaang pamilya at inaasahang madadagdagan pa ang nag – evacuate na pamilya sa bayan ng Sta. Rosa as of 4:30 pm September 15, 2018.

Pansamantalang nakatuloy ang mga evacuees sa Municipal Evacuation Center  mula sa mga barangay ng Valenzuela, Zamora, San Josef, Rizal, Luna, Gomez, Cojuangco, Isla, Sto. Rosario, ramos, San Mariano, La Fuente, at Del pilar.

Bandang  alas singko ng hapon September 15, 2018 nang magsimulang tumaas ang tubig sa ilog ng Sta. Rosa buhat sa mga bayan ng Gabaldon, Bongabon, Laur, at Rizal na naging dahilan ng paglikas ng mga taga Sta. Rosa.

Ayon kay Municipal Administrator Argie Esquejo, pinaghandaan ng Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagdating ng bagyong Ompong dahil flood prone area ang Sta. Rosa.

Samantala, namanahagi naman ng relief goods ang pamahalaang local ng Jaen sa pamumuno ni Mayor Sylvia Austria.

Bago pa man tumaas ang lebel ng tubig sa Pampanga River ay nagsagawa na ng pre – emptive evacuation sa mga barangay ng Lambakin, Sitio Sanggalang, Pamacpacan, Don Mariano Marcos, Hilera, San Pablo,Magsalisi at Sto. Thomas North.

Ayon kay,Mayor Austria, maayos ang pasilidad ng evacuation center. Paalala nito at sa mga kababayan  sa Jaen na palaging maging alerto sa panahon ng kalamidad, magkaisa, magtulungan at higit sa lahat manalig lang sa Panginoon.

Hanggang sa humupa umano ang baha ay mananatili sa mga evacuation center ang mga nagsi likas na mamamayan ng jaen.- ulat ni Getz Rufo Alvaran

Pakikipag-ugnayan ng PDRRMC sa mga bayan at lungsod, patuloy para sa Bagyong Ompong

Pakikipag-ugnayan ng PDRRMC sa mga bayan at lungsod, patuloy para sa Bagyong Ompong

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council sa mga lokal na pamahalaan ng Nueva Ecija para sa Bagyong Ompong.

Kaninang alas-4:30 ng hapon ay pinangunahan ni Chief PDRRMO Michael Calma ang pagpupulong ng council kung saan kabilang ang mga ahensya ng gobyerno, mga pinuno at mga representative ng mga opisina ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Calma, naka-standby na simula kahapon, September 13, 2018, ang 40 heavy equipment at 41 manpower ng Provincial Engineering Office sa mga bayan ng Gabaldon at Quezon, sa lungsod ng Palayan, at sa Old Capitol Compound dito sa Cabanatuan.

Habang ang Department of Public Works and Highways naman ay 10 heavy equipment at 59 na tauhan ang ipinadalaa sa mga bayan ng Pantabangan at Carranglan, kasama ang Pinagpanaan-Rizal-Pantabangan Road at Pantabangan-Canili-Basal-Baler Road.

Nakahanda na ring rumesponde sa mga mangangailangan ng tulong ang Armed Forces of the Philippines – 703rd Brigade sa pamamagitan ng pagpapadala ng 16 na mga trucks at ambulansya na kasalukuyang naka antabay at on call sa Fort Magsaysay, Palayan City gayundin ang 2,300 members ng Nueva Ecija Police P0rovincial Office.

Naglaan din ang Department of Education – Nueva Ecija ng mga silid aralan sa mga bayan at lungsod kung sakaling kakailanganin ng karagdagang evacuation center.

Base naman sa ulat ng Provincial Social Welfare Development Office sa pakikipagtulungan ng Provincial General Services Office, ay nakapaghanda sila ng total of 3,290 food packs at 2,010 non-food packs na ipapamahagi sa mga maaapektuhan ng bagyo.

180 families na ang lumikas mua sa Pantabangan, 12 pamilya sa Gabaldon, 37 pamilya sa Gapan City at 5 pamilya naman dito sa Cabanatuan na kasalukuyang tumutuloy sa Old Capitol Compound.

Pinabulaanan naman ni Engr. Rose Bote, representative ng NIA-UPRIIS sa pagpupulong ang mga haka haka na ang Pantabangan Dam ay magpapakawala ng tubig.

Nilinaw nito na kung magpapalabas man ng tubig ang dam ay mag-aanunsyo siya 6 oras bago ang pagre-release.

Sa ngayon, ay nasa 213.80 meters pa lang ang lebel ng tubig sa Pantabangan dam at halos 7 metro pa ang layo nito sa spilling level na 221 meters.

Kaninang alas-8 ng gabi September 14, 2018 ay nagsimula na ang tuloy-tuloy na monitoring ng PDRRMC para sa Bagyong Ompong.

Evacuation centers, relief goods at equipment ng Muñoz at Rizal, nakahanda na!

Evacuation centers, relief goods at equipment ng Muñoz at Rizal, nakahanda na!

Nakahanda na ang mga lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Muñoz at Bayan ng Rizal para sa bagyong Ompong na makaaapekto sa ating lalawigan.

Ayon kay Mayor Lito Andres ng bayan ng Rizal, noong nakaraang linggo pa lamang ay preparado na sila sa pagdating ng bagyo. Malimit din ang kanilang pagpupulong sa mga punong Baranggay upang mag antabay, at magbigay babala para sa preemtive evacuation.

Lunes, September 10, 2018 pa lang din aniya ay nakagayak na rin ang 700-800 relief packs na ipamimigay sa mga pamilyang maapektuhan ng nasabing bagyo.

Kasado na rin aniya ang kanilang mga heavy equipment katulad ng backhoe, loader, dumptrucks, ambulances, behikulo na gagamitin pang-rescue sa mga evacuees.

Ayon naman kay Eliza S. Valdez, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer, ng Munisipyo ng Rizal, handa na rin ang kanilang dalawang evacuation centers  na kumpleto ang pasilidad katulad ng

 Breastfeeding room, playing area, couple’s room, operation center, stock room, comfort room,Kitchen area, laundry area. At may itinalagang lugar din para sa kanilang mga alagang hayop na hindi maiwan.

Paalala ni Mayor Lito Andres sa mga kababayan nyang Rizalenyo na palaging maging alerto sa panahon ng kalamidad.

Ayon naman kay Engr. Josefino  Foscorrea, City Disaster Risk Reduction Management Officer ng Science City of Muñoz, sinabi nito na nagpalaganap na sila ng impormasyon sa pamamagitan ng forecaster typhoon truck, Muñoz cable, at pagmomonitor sa social media, nagkaroon din sila ng dayalogo sa mga opisyales ng barangay upang mapaggayakan ang hagupit ni Ompong na inaasahan.

Nagtabas na rin aniya sila noong nakaraang Miyerkules, September 12, 2018 ng halos tatlumpung puno na posibleng makasagabal sa mga kalsada.

Panawagan naman ni Engr.  Foscorrea sa mga taga Munoz na laging mag ingat, magplano  at maghanda para sa darating na kalamidad.