NFA, hirap makabili ng palay sa mga magsasaka

Bumibili ng palay ang NFA o National Food Authority sa mga magsasaka sa halagang P17 kada kilo, mas mababa kumpara sa pagbili ng mga Traders na P18 per kilo kapag basa at nasa P22-P24 kapag tuyo naman.

Ito umano ang dahilan kung bakit mas ninanais ng mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga aning palay sa mga Traders kesa sa NFA.

Ayon kay NFA Assistant Regional Director Jaime Hadlocon, lagi umano silang nakiki-usap sa mga magsasaka na sa kada isang daang kabang palay na ani ay sampong sako man lang dito ay ibenta sa kanila.

Ngunit sagot umano ng mga magsasaka ay malulugi sila lalo pa’t kadalasan aniya bago sumapit ang anihan ay nakakapangutang na rin ang mga ito dahil sa mga pangangailangan ng mga nag-aaral na anak at pang-araw araw na gastusin ng pamilya.

Dagdag ni Hadlocon, pabor din naman sa mga magsasaka ang ibenta sa mga Traders ang kanilang mga palay para nga naman kumita, kaya sa panahon na bumababa na ang bili ng Traders sa palay ay doon pumapasok ang NFA upang makipagsabayan sa pagbili.

Isa sa pangunahing option upang masiguro ang Food Security ng bansa ay ang pamimili ng palay ng NFA, pumapangalawa lamang umano ang importasyon ng NFA rice.

Sa kabila nito ay tuloy-tuloy pa rin naman ang NFA sa pamimili ng palay sa mga magsasaka at patuloy din na nananawagan na kahit ilang porsyento man lang ng aning palay ng mga ito ay maibenta sa kanila.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *