NIA Pantabangan Lake Resort Hotel, pinasinayaan

Matapos mawala ng halos dalawampung taon sa National Irrigation Admibnistration o NIA ang pangangalaga ng NIA Pantabangan Lake Resort Hotel ay muli itong pinasinayaan noong nakaraang Huwebes, October 17, 2019 na pinangunahan ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles.

Ayon sa kanya, napakahalaga na naibalik sa pamamahala ng NIA at muling napakinabangan ang pasilidad dahil malaki ang maitutulong ng kikitain nito sa mga programa at proyekto ng ahensya para sa mga magsasaka.

Ribbon cutting ng NIA Pantabangan Lake Resort Hotel na pinangunahan ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles (left) at NIA Administrator Ret. Gen. Ricardo Visaya (right)

Masaya namang ibinalita ni Engr. Rosalinda Bote, Acting Department Manager ng NIA – UPRIIS na handa nang makipagsabayan sa mga hotels dito sa lalawigan ang naturang resort hotel na maaaring pagdausan ng mga seminars, conferences at team buildings na siguradong makapagbibigay ng relaxation sa mga bisita dahil sa magandang view ng Pantabangan Dam na matatanaw mula dito.

Naitayo ang nasabing gusali noong 1971 at inagurahan noong September 1972 na pinangalanang NIA Pantabangan Guest House.

Taong 1999 nang malipat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang pangangalaga nito at noong 2005 ay ibinigay sa isang private entity ang pamamahala at makalipas ang ilang taon ay inabandona rin ito.

Noong 2016 lang muling nabawi ng NIA ang pagmamay-ari rito na pinaglaanan naman ng Php 40-M na pondo para sa pagsasaayos na natapos noong nakaraang Abril at pinangalanang NIA Pantabangan Lake Resort Hotel.

Front view of NIA Pantabangan Lake Resort Hotel
(Photo Courtesy: NIA Pantabangan Lake Resort Hotel Management)

Sa kasalukuyan ay mayroon itong isang function hall na kayang mag-accommodate ng 150 katao, 19 na kwarto (17 standard rooms, 1 manager’s suite, 1 administrator’s suite) na pwedeng rentahan mula sa halagang P3,500 – P10,000, restaurant, balkonahe na matatanaw ang kagandahan ng Sierra Madre Mountain Ranges.

Nakalinya rin ang pagpapagawa ng swimming pool at iba pang amenities tulad ng basketball court at playground na mae-enjoy ng mga bibisita sa hotel. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *