Night Market sa Bayan ng Guimba, binuksan para sa mga vendor na apektado ng road clearing

Pinangunahan nina Mayor Jose “Boyong-boyong” Dizon at asawa nitong si Rosalinda Dizon ang pagbubukas ng Guimba Kong Mahal Night Market sa harap ng palengke ng Bayan ng Guimba noong October 25, 2019.

Ayon kay Tourism Officer Rhea Leyva Santos, marami sa kanilang mga kababayang naghahanap-buhay ang naapektuhan at napaalis sa kanilang mga pwesto nang ipatupad ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang road clearing.

Bilang tugon sa suliraning ito ay binuksan sa kauna-unahang pagkakataon ang Night Market upang bigyan ang mga ito ng pagkakataon na makapagtinda mula alas sais trenta ng gabi hanggang alas singko ng umaga.

Ani Santos, nasa mahigit tatlumpong mga vendor ang maaaring pumuwesto sa Night Market at welcome ito para sa lahat ng mga Guimbanians na nais makapaghanap-buhay.

Kwento ni  Melinda Ignacio, nagtitinda ng mga prutas, bagaman hindi siya nawalan ng pwesto sa isinagawang clearing operation ay naharangan naman siya ng mga nadisplaced na mga tricycle drivers kaya naging matumal ang kanyang benta.

Dahil sa pagbaba ng kanyang benta ay madalas aniyang nasisira ang kanyang mga panindang prutas na naging dahilan din ng kanyang pagkalugi na aabot sa dalawampong libong piso.

Pagkalugi din ang iniinda ni Mike Mendoza, lugaw vendor, simula nang mapaalis sila sa dati nilang pwesto, na kung dati ay nagsisimulang magbukas ng umaga ngayon ay sa gabi na lamang nakapaglalako.

Nagpasalamat sina Ignacio at Mendoza sa pagkakataong ipinagkaloob ni Mayor Dizon para sa kanilang maipagpatuloy ang kanilang pagtitinda sa mas kombinyente at ligtas na lugar.

Nagpaanyaya naman sina Mayor Dizon at Tourism Officer Santos sa mga kababayan na bisitahin at tangkilikin ang mga produktong gawang Guimba na matatagpuan sa Night Market.

Kasabay ng launching ng Night Market ay ipinakilala din ang BMD Band ng Pamahalaang Bayan ng Guimba at ang pagbubukas ng Undas Aliwan 2019 kung saan naghandog ng mga awitin ang mga bandang Guide of Juan, KAT at The Anyones.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *