Novo Ecijana, multi medalist at division champion sa WCOPA 2019

Bitbit ang watawat ng Pilipinas ay pinatunayan nang 12 anyos na Novo Ecijana ang galing ng lahing Pinoy pagdating sa pagkanta, matapos hakutin ang limang medalya at parangalan bilang division winner sa prestihiyosong talent competition na 23rd World Championships of Performing Arts (WCOPA) sa California, USA, noong July 10-21, 2019.

Ito ang unang beses na sumabak sa kompetisyon sa ibang bansa ang dalagita.

Si Marielle, ang Novo Ecijana na multi medalist at division champion sa WCOPA 2019.

Ayon kay Marielle Montenegro, inspirasyon niya sa pagsali sa nasabing kompetisyon ang isa ring tubong Novo Ecijano na si Ianna Dela Torre ang Junior Grand Champion Performer of the World at Junior Grand Champion Vocalist of the World ng WCOPA 2013.

Bagama’t hindi nakapasa sa unang sabak sa WCOPA noong 2014 ay hindi nawalan ng pag asa si Marielle at patuloy na hinasa ang sarili sa pamamagitan ng pagsalang sa voice lessons ng Cadenssi Music and Arts Studio.

Ang 165 na delegado ng Pilipinas na nag-uwi ng 390 medalya mula sa WCOPA 2019.

Sa pagbubukas ng kompetisyon ngayong taon, ay muling sumubok si Marielle at maswerteng napabilang sa isang daan at anim napu’t limang delegado na nakapaguwi ng tatlong daan at siyam na pung medalya mula sa amerika.

Nasungkit ni Marielle ang gold medal at division winner sa pagkanta ng original song na “We are one”.

Ikalawang ginto para sa kanilang group production disney themed, dalawang silver medal sa pag-awit ng gospel song na “Via Dolorosa” at broadway song na “Defying Gravity” at bronze medal para sa contemporary song na “Don’t you worry about a thing”.

Super proud naman ang ina at ama ni Marielle na sina Marjorie  at Dr. Manuel Montenegro sa nakamit ng kanilang dalagita.

Aniya, ito ay simula pa lamang dahil hindi sila magsasawang suportahan ang kanilang nag i-isang anak.

Bukod sa muling pagsali sa WCOPA sa susunod na taon ay kasalukuyan ng pinaghahandaan ni Marielle ang pagsabak sa Europop na gaganapin sa Czech Republic sa October 2020.

Puspusang pagsasanay ang mensahe ng Novo Ecijana sa mga kapwa kabataan na nangangarap din na magtagumpay. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *