Novo Ecijano pambato sa Gawad Saka National, naghahanda na

Puspusan na ang paghahanda ng Novo Ecijano na si Conrado Castillo, representante ng Region III para sa Gawad Saka National, isang patimpalak na taun-taong ginaganap upang bigyang pagkilala ang mga magsasaka, mangingisda at mga naghahayupan na nakapag-ambag ng katangi-tanging kontribusyon sa sektor ng agrikultura sa kanilang komunidad at sa bansa.

Mahigit tatlong buwan bago ang nalalapit na laban ay inaayos na ni Castillo ang mga dokumentong kailangan at ang kaniyang bukirin na CVC Integrated Farm na matatagpuan sa Brgy. Nieves, bayan ng San Leonardo.

Si Castillo ay nominado para sa kategoryang Small Ruminant Raiser kung saan nakapokus sila sa kaniyang mga alagang kambing.

Ayon kay Demetrio Esguerra, municipal agriculturist ng San Leonardo, napili nila si Castillo dahil sa galing nito sa pag-aalaga ng kambing. Isa pa aniya sa kanilang pinagbasehan ay ang mga teknolohiyang ginagamit nito sa pagbubukid sa CVC Farm.

Pahayag naman ni Castillo, taong 1993 noong magsimula siya sa pagbubukid sa nabili niyang lupa na may laking 2 hectares at may mga iba’t-ibang tanim tulad ng kalamansi. Taong 2005 naman ng naisipan nitong mag-alaga ng kambing.

Dagdag pa nito, natutunan niya sa CLSU o Central Luzon State University na maaari niyang iupgrade ang mga native niyang kambing at bumili rin siya rito ng isang Anglo Nubian at isang US Red Boer na siyang pinagmulan ng paglago ng kanyang mga alagang kambing.

Samantala, bukod sa kambing ni Castillo ay mayroon din siyang mga manok, rabbit, at iba pang mga alagang hayop. Sa kasalukuyan ay may lawak ang CVC Farm na kulang sa limang ektarya. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *