Nueva Ecija Food Council, nagsagawa ng dry run sa Lungsod ng San Jose

Personal na sumama si Governor Aurelio Umali sa isinagawang dry run ng Provincial Food Council kahapon, September 25, 2019 sa pagbili ng aning palay ng dalawang magsasaka sa Lungsod ng San Jose.

Mula sa aktwal na pag-ani sa bukid nina Mang Eduardo Anastacio ng Brgy. Parang Mangga at Mang Ernesto Bermudez ng Brgy. Dizol sa naturang lungsod hanggang sa paghahakot ng mga kabang palay ay inabangan ito ng Food Council upang i-classify, timbangin at suriin ang moisture content ng mga ito.

Binili ng pamahalaang panlalawigan sa halagang P15/kilo ang inaning palay ng dalawang benepisyaryo, na mas mataas ng dalawa hanggang tatlong piso kumpara sa umiiral na kalakarang presyo sa merkado ngayon na nasa P12 – P13 per kilo.

Ikinatuwa at ipinagpasalamat nina Mang Eduardo at Mang Ernesto ang pagbili ng kapitolyo sa kanilang mga aning palay dahil mas malaki anila ang kanilang kikitain dito kumpara sa presyo ng mga Palay Buying Stations.

Sa aming panayam kay Governor Umali, isinagawa ang dry run upang makita ang aktwal na sistema ng pagbili ng palay para sa opisyal na pagsisimula nito sa October 1, 2019.

Nilinaw ng gobernador na bagamat dalawang ektarya ang sinasakang bukid ni Mang Eduardo ay kahati at katuwang naman nito ang kanyang kapatid dahilan kung kaya nakapasok sila bilang benepisyaryo ng programa.

Sa ilalim ng palay Price Support Program ay prayoridad muna sa ngayon ang mga maliliit na magsasaka na mayroon lamang isang ektarya at pababa ang binubukid.

Dahil personal din nitong nakita ang sitwasyon o kalagayan ni Mang Ernesto na na-stroke kamakailan lamang ay isasama na rin aniya nila ito sa livelihood program ng provincial government.

Sinabi din nito na ang kanilang mga mabibiling palay ay pansamantalang dadalhin muna sa mga katuwang na rice millers sa iba’t ibang lugar dito sa probinsya habang inaayos pa ang sariling rice mill ng kapitolyo.

Ang mga palay naman na mabibili ng pamahalaang panlalawigan ay gagawing bigas at saka ibebenta sa iba’t ibang kumpanya sa bansa, ahensya ng gobyerno partikular ang DSWD na namimili ng bigas na inihahanda para sa mga relief operations at iba pa. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *