Nueva Ecija, pumangatlo sa pinaka-apektadong probinsiya ng ilegal na droga sa Central Luzon

     Lumitaw sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa naganap na Provincial Peace and Order Council o PPOC meeting ng Nueva Ecija, na 51.9% ng mga barangay sa Central Luzon ay apektado ng ilegal ng droga. Kung saan, pumangatlo ang lalawigan  na 62% ng mga barangay nito ay drug affected.

     Base sa datos ng PDEA, nangunguna sa listahan ang Bataan na may 97%. Ito ay sinundan ng Olongapo City, na may 88%. Habang ang Bulacan at Angeles City na isang porsyento lang ang pagitan ay lumapat sa ikaapat at ikalimang puwesto sa 56% at 55%.

     Lumalabas na sa loob ng 849 na barangay sa lalawigan, umabot sa 529 na barangay ang apektado ng mga ipinagbabawal na gamot.

     Tinukoy din isa-isa ng PDEA ang mga bayan at siyudad  sa probinsiya na pinakatalamak ang paggamit at pagtutulak ng droga. Kagaya ng Sto Domingo, Rizal, Cabanatuan City, Gabaldon, Cabiao, Gapan City, San Antonio, San Isidro at San Leonardo.

     Inilahad din ng PDEA na ang shabu at marijuana ang pinaka-inaabusong droga sa Central Luzon. Ibinunyag din ng ahensya na sa manila nanggagaling ang mga shabu na pumapasok sa probinsiya, habang ang marijuana ay nagmumula sa Cordillera Autonomous Region (CAR) pababa ng N.E. at karatig probinsiya.

     Samantala, nakapagtala nang 5,724 na krimen ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) mula January hanggang June 2016. Kung ikukumpara ang bilang nito sa nakaraang taon, tumaas ng 3.7% ang Crime Rate sa lalawigan.

     Mula naman nang magumpisa ang mahigpit na kampanya sa ilegal na droga ng gobyerno sa ilalim ng programang Oplan Double Barrel, mula July 1–20 2016, ay nagsagawa ang kapulisan ng 93 operasyon. Kung saan, nagresulta sa pagsuko ng 7,797, pagkaka-aresto sa 96 na katao habang 5 ang napatay. Nasabat naman ng otoridad ang 118 sachet ng shabu at 1 sachet ng marijuana. -Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/b_4ZTkoQ-Yo

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *