Number 2 Sibat Target, arestado; Kapitan ng barangay sa Talavera, patay sa pamamaril

Arestado ang Number 2 sa Sibat Target ng Nueva Ecija Police Provincial Office.

Kinilala ang suspek na si Juvelyn Sablan y Tacotaco, singkwenta anyos, may asawa, residente ng barangay Calaocan District, bayan ng Rizal.

Ayon sa report ng Rizal Police Station, bandang alas sais trenta ng gabi noong June 15, 2019 isinagawa ang paghuli kay Sablan sa bahay nito sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Johnmuel Romano Mendoza ng RTC Branch 26 ng Cabanatuan City na may petsang May 30, 2019 para sa kasong Slight Physical Injuries.

Ang suspek ay ay nakakulong ngayon sa Female Custodial Facility ng istasyon ng pulisya ng Rizal.

Samantala, patay sa pamamaril ang isang kapitan ng barangay sa bayan ng Talavera.

Ang biktima ay kinilalang si Kapitan Arniel Bernardo y Abesamis, 61 years old, may asawa, ng barangay San Ricardo.

Pinagbabaril sa tapat ng kanilang bahay si Kap. Arniel Bernardo ng barangay San Ricardo, Talavera.

Base sa inisyal na ulat ng Talavera Police Station, dakong alas dyes kwarenta ng gabi nasa tapat na ng gate ng kanilang tahanan ang biktima sakay ng kanyang bisikleta nang lapitan at paputukan ng sunud-sunod nang hindi pa nakikilalang suspek.

Matapos maisagawa ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang suspek papuntang bayan ng Llanera.- ulat ni Clariza de Guzman.

https://youtu.be/nBFFfDx0V_I


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *