Nurse, huli sa shoplifting sa isang mall sa Cabanatuan City; Babae, kulong sa estafa sa Gabaldon

Huli ang isang nurse matapos magnakaw ng tatlong items sa isang sikat na department store sa Cabanatuan City.

Nahaharap sa kasong theft o shoplifting ang suspek na si Shyla dela Cruz y Ilagan, 29 years old, may asawa at residente ng Purok Apitong 1, barangay Poblacion, General Natividad, Nueva Ecija.

Base sa report ng Cabanatuan Police Station, bandang alas tres kwarenta ng hapon noong November 9, 2019 nang magnakaw umano ang suspek ng isang toothbrush protector, isang hand fan at isang whitening gel na nagkakahalaga ng mahigit Php1, 700.00.

Alas syete trenta ng gabi nang dakpin ang suspek ng security personnel ng SM City Cabanatuan at sinampahan ng reklamo sa Cabanatuan City Prosecutor’s Office.

Samantala, kalaboso ang isang babae dahil sa kasong estafa sa isinagawang manhunt operation ng Gabaldon Police Station noong November 9, 2019.

Kinilala ang suspek na si Myrna Agustin y Mateo, 47 years old, may asawa at residente ng barangay South Poblacion, Gabaldon.

Ayon sa ulat ng pulisya, hinuli ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest para sa estafa sa ilalim ng Criminal Case No. 3743 na inisyu ni Judge Cheryl S. Gamalinda-Encinares ng MTC Bongabon noong October 25, 2019 na may rekomendadong pyansang Php18, 000.00.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya ng Gabaldon Police Station ang suspek.- ulat ni Clariza de Guzman.

https://youtu.be/ZMytsr-SYxw


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *