October 29, idineklarang “Nueva Ecija Indigenous Peoples Thanksgiving Day”

Nakatakda nang ipagdiwang tuwing Ika-29 ng Oktubre taon-taon ang araw ng pasasalamat ng mga kapatid na katutubo sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ito ay matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Proposed Ordinance No. IP012018 o tinatawag na “Nueva Ecija Indigenous People Thanksgiving Day” na layunin na mapreserba ang mayamang kultura at maproteksiyunan ang karapatan ng mga katutubo na iniakda ni Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) President Andrew Biscalog at BM Joseph Ortiz.

Hangad din ng mga may akda na pasiglahin ang turismo ng mahigit isang daan at dalawampong libong katutubo na naninirahan sa labing tatlong bayan at siyudad sa lalawigan.

Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, sa laki ng populasyon ay nakikita nilang mga miyembro ng Sanggunian na hindi sasapat ang paglalaan ng P540,000 na pondo. Kaya ito ay kanilang inamyenadahan upang madagdagan bilang pagsuporta sa mga katutubong Novo Ecijano.

Ang ordinansa ay batay sa Republic Act 8371 o “Indigenous Peoples Rights Acts” at  Proclamation Nos. 1906 at 486 na nagdedeklara sa buwan ng Oktubre bilang “National Indigenous Peoples Month” at “National Indigenous Peoples Thanksgiving Day”. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *