Ordinansa ng Cabanatuan City sa pagpapatupad ng ECQ, salungat sa “Bayanihan to Heal as one Act” at DILG Memos

Salungat umano sa isinasaad ng Republic Act 11469 o mas kilala bilang “Bayanihan to Heal as one Act” at mga inilabas na direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ipinasa at ipinatupad na Ordinance 026-2020 o “An ordinance Adopting the additional policies and guidelines on the implementation of the Enhance Community Quarantine” ng Cabanatuan City.

Ito ang inihayag ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija at Provincial Legal Office sa programang Malasakit sa Kalusugan COVID-19 updates sa TV48 noong April 30, 2020.

Paglilinaw ni Vice Governor Anthony Umali, naaayon sa isinasaad ng batas ng pamahalaang nasyunal ang mga dahilan kung bakit nila ibinasura ang naturang ordinansa, kontra sa ibinibintang ng City Government na sila ay namumulitika lamang.

Ang tinutukoy na mga maling probisyon ay ang pagpapatupad ng Curfew hours ng City Government ng 5pm-5am na hindi tugma sa isinasaad na bente kwatro oras na Curfew hours ng DILG Memorandum Circular 2020-062.

Maging ang pagbabago ng Market Hours mula 5am hanggang 11am at 11am hanggang 4pm ng bawat barangay ay direktang nagpapakita umano ng hindi pagsunod sa inilabas na advisory ni DILG Sec. Eduardo Año na dapat tanggalin ng mga Local Government Unit ang window hours sa pamimili.

Habang tinutulan naman ng SP ang pagtatakda ng mga piling araw kung kailan lamang maaaring makapasok sa Cabanatuan City ang mga hindi residente ng lungsod.

Lihis din aniya sa mandato ng Bayanihan Act ang paglalagay ng mga harang gaya ng buhangin na hindi akma sa panahon ng emergency at pagtatayo ng barikada sa mga kalsada na nagdudulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko na nagreresulta sa pagkaantala ng delivery ng mga pagkain at essential goods.

At panghuli, mababalewala rin daw ang ipinatutupad na quarantine at social distancing kung madalas ang pagpapalit ng quarantine pass dahil dadagsa ang mga tao sa barangay hall upang kumuha nito araw-araw.

Isa pang dahilan kung bakit invalid ang ordinansa ay walang maipakitang katunayan ang City Government na ang nasabing ordinansa ay nailathala sa lokal na pahayagan o dyaryo na isinasaad sa Article 114 ng Implementing Rules of the Local Government Code.

Pakiusap ng Bise Gobernador sa mga namumuno sa Lungsod ng Cabanatuan, huwag masamain ang ginawang pagtatama sa ordinansa dahil hindi ito ang panahon ng pamumulitika kundi ito ang pagkakataon upang magkaisa para labanan ang pandemya na dulot ng COVID-19. -Ulat ni Danira Gabriel

Watch here: Ordinansa ng Cabanatuan City sa pagpapatupad ng ECQ, salungat sa “Bayanihan to Heal as one Act” at DILG Memos


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *