ORDINANSANG MAGTATAAS NG SINGIL SA AMILYAR SA CABANATUAN, INI-REFER NA SA 2ND READING NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Ini-refer na ng  Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa ikalawang pagbasa ang kontrobersiyal na ordinance number 037-2015 o ang revision ng fair market values ng real properties sa Cabanatuan City na sinasabing magtataas umano ng singil sa amilyar mula anim na raan hanggang walong daang porsyento.

Matapos na ibaba ng Provincial Legal Office ang opinyon kaugnay sa nasabing ordinansa na may petsang March 24, 2015 ay nag-desisyon na ang Committee of the Whole na ipasa na ito sa second hearing kung saan inaasahang magkakaroon ng mga debate, at pagbabago sa nasabing ordinansa bago ito maaprubahan.

Nakasaad sa isang pahinang opinyon na pirmado ni Provincial Legal Officer Attorney Ricardo Atayde na batay sa mga kopya ng pahayagang Dahong Palay na isinumite ng Sangguniang Panlungsod ay lumalabas na nasunod naman ang hinihinging requirement na dapat na mai-publish sa dyaryo ang mga pagbabago sa halaga ng mga ari-ariang di-natitinag sa merkado para sa kaalaman ng mga taga-Cabanatuan.

Inaasahang sa ika-labindalawang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ngayong taon na nakatakda sa darating na Lunes, May 11, 2015 ganap na ala-una ng hapon tatalakayin na sa ikalawang pagbasa ang nasabing ordinansa.- Ulat ni Clariza De Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *