Organikong pagsasaka, isinusulong ng agri-farm owners at operators

Bukod sa pagpapayabong ng organikong pagsasaka, paglilinang ng farm tourism ang naging layunin ng pagpupulong na isinagawa ng nasa 100 agri-farm owners, agriculturists at tourism officers ng Nueva Ecija noong nagdaang Biyernes, September 21, 2018 sa Old Capitol, Cabanatuan City.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Lorna Mae Vero, ang farm tourism ay ang paghahalo ng pagtatanim at pag-ani ng mga produktong agrikultura at turismo para sa ikauunlad ng lalawigan.

Sinabi pa ni Vero na target nilang mapadami pa ang mga Department of Tourism o DOT accredited farm tourism sites dito sa Nueva Ecija para sa mas madaming turista at mas madaming trabaho sa mga Novo Ecijano.

Sa kasalukuyan ay tatlong farm tourism sites pa lamang ang accredited ng DOT dito sa probinsya, una na rito ang Leoni Agri Coproration sa Sta. Rosa, Nueva Ecija, Farm Villegas dito sa Macatbong, Cabanatuan City at ang PMP Man-Made Farm Resort sa bayan ng General Tinio kung saan nagbahagi ang mga ito ng kanilang mga organikong pamamaraan sa pagsasaka.

Sinabi ni Fredzlander Villegas, may-ari ng Villegas Agritechtural Farm, ang pangunahing ipino-promote nila ay ang organic agriculture kasunod ay ang mga kakaibang istruktura na itinatayo nila sa kanilang farm at ang kaakibat na kapakinabangan nito.

Samantala, bukod sa pagpe-present ng mga DOT accredited farm dito sa probinsya ay nagkaroon din ng election of officers ang bagong tatag na Nueva Ecija Farm Tourism Association kung saan ang naging presidente nito ay si Prosecutor Carolyn Dumlao-Amis, may-ari ng KD-Farm sa Rizal, Nueva Ecija, Internal Vice President si Architect Fredzlander Villegas ng Farm Villegas at External Vice President naman si Viola Fern Sebastian, Myriad Farms ng Guimba, Nueva Ecija.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *