P1.5 Bilyon Annual Budget ng Cabanatuan City, inaprubahan kahit may mga kulang na dokumento

Inaprubahan sa Ikatlo at Huling pagbasa ng Sangguniang Panlungsod ang P1.5 billion na Proposed Annual Budget para sa taong 2018 ng Lungsod ng Cabanatuan sa ginanap na Special Session, noong Dec. 21, 2017.

Sa mosyon ni Kon. Mario Seeping inihain nito na maaprubahan ang naturang panukala na agarang tinutulan ni Kon. Gave Calling.

Ayon kay Kon. Calling, ang rason ng kaniyang pagtutol ay dahil sa mga kulang na papeles na hindi pa naisusumite ng ilang departamento. Kabaligtaran sa mga binitawang pangako ng mga department heads noong ginaganap ang Annual Investment Plan (AIP) deliberation.

Ito ang naging hudyat upang magkaroon ng division of the house, kung saan Walong Konsehal ang bumoto ng Yes ito ay sina Kon. Mario Seeping, Kon. Pb Garcia, Kon. Froilan Valino, Kon. Ruben Ilagan, Kon. Fanny Posada, Kon. Rosendo Del Rosario Jr, Kon. Bong Liwag at ABC Chairman Sergio Tadeo. Habang nag-iisang bumoto ng No si Kon. Gave Calling at absent si Kon. Nero Mercado.

Ayon naman kay Acting Mayor Anthony Umali, hindi na siya nagulat sa naging resulta ng botohan. Aniya, napatunayan lang niya na tama ang kaniyang mga hinala na ilulusot ng mayorya ang naturang panukala kahit hindi pa kumpleto ang mga dokumento at hindi pakikinggan ang kaniyang suhestiyon na magamit ang excess appropriation para sa Third Tranche Salary Increase na inaasahan na ng mahigit Isang Libong Empleyado ng City Government.

Payo ni Mayor Umali, na sana huwag maging bulag ang mga Cabanatueño sa mga nangyayari sa lungsod. Hiling pa niya, mas lalong maging mapanuri ang bawat isa sa mga inihahalal nila. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *