P1-M pondo na ipinagkaloob ng DOLE, ilalaan ng PESO sa programang pangkabuhayan

Ilalaan ng PESO o Public Employment Service Office sa programang pangkabuhayan ng pamahalaang panlalawigan ang isang milyong pisong pondo na ipinagkaloob sa kanila ng Department of Labor and Employment noong nakaraang Biyernes, July 26, 2019.

Personal na iniabot ni DOLE Provincial Director Mylene Evangelista kay Governor Aurelio Umali ang nasabing pondo na gagamitin naman sa pagbili ng mga Nego-Kart na ipapamahagi sa limampu’t dalawang benepisyaryo na pinili ng PESO.

Ayon kay PESO Manager Maria Luisa Pangilinan, layunin ng nasabing programa na matulungan ang mga Novo Ecijano na walang mapagkakakitaan at mabigyan sila ng sariling negosyo.

Nanggaling sa iba’t ibang mga bayan at lungsod dito sa Nueva Ecija ang mga napiling benepisyaryo para sa naturang programa na mga dati nang nagtitinda na nakakitaan ng pagpupursigi sa pagnenegosyo ngunit walang kakayanan na magpundar ng mga kagamitan at dumaan din ang mga ito sa profiling para masigurado  na karapat-dapat silang makatanggap ng Nego-Kart na nakatakdang ipamahagi bago matapos ang taon.

Noong 2018 ay 1.5 million pesos na pondo naman ang ibinigay sa kanila ng DOLE kung saan walumpu’t tatlong mga Novo Ecijano mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ang nakatanggap ng Nego-Kart na may kasamang iba’t ibang uri ng paninda bilang pansimula ng mga ito.

Sa susunod na taon naman aniya ay target nilang mas maparami pa ang magiging benepisyaryo ng kanilang programa partikular ang mga OFW o Overseas Filipino Worker na naabuso sa ibang bansa o di kaya ay napabalik dito sa Pilipinas na walang naipon.

Nagpasalamat si Pangilinan sa DOLE at Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Umali na laging nakasuporta sa kanilang mga proyekto para sa ikauunlad ng mga Novo Ecijano.

Binilinan naman niya ang mga makakatanggap ng Nego-Kart na sana ay pangalagaan at palaguin ang kanilang negosyo upang lubos na makatulong sa kanilang pamilya. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *