P185 milyon pananim, nasalanta ng baha sa Nueva Ecija

Umabot na sa halos Dalawang Daang Milyong Piso ang halaga ng mga pananim na nasalanta sa lalawigan ng Nueva Ecija dulot ng malalakas na buhos ng ulan noong nakaraang sabado at linggo, July 21-22, 2018.

Base sa kasalukuyang hawak na datos ng provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), nasa P158 million ang halaga ng nasalantang pananim na palay; P16 million sa mga prutas at gulay; P8 million sa mga isda; at P2 million sa mais.

Kumpiyansa naman ang Provincial Agriculturist na si Serafin Santos, na ang pagkakasalanta sa agrikultura ay hindi nangangahulugan na magkakaroon na ng kakulangan sa produksiyon ng lalawigan.

Aniya, wala pa sa sampung porsyento ng target na tataniman ng palay ngayong wet season ang naapektuhan ng baha at posible pa umano na mabawasan pa ang bilang nito dahil unti-unti ng nawawala ang tubig sa mga bukid.

Matapos aniya na makolekta ang kompletong report ay agarang magbibigay ng libreng binhi at pahihiramin ng puhunan at makina ang mga magsasaka na inisyatiba ng Ina ng Lalawigan Gov. Cherry Umali.

Sa listahan ng bayan na pinaka naapektuhan, nangunguna ang bayan ng Licab na may pinakamalaking halaga na nasalanta ng habagat na umabot sa P57 million. Pangalawa ang bayan ng San Antonio, na nagkakahalaga ng P24 million at pangatlo ang bayan ng Cabiao, na mayroong P22 million.

Sa live interview ng programang Dobol P ng TV48 ay nanawagan si Mayor Femy Domingo ng Licab, sa mga nagnanais na mag-abot ng tulong sa kanilang bayan na kamakailan ay idineklarang under state of calamity.

Samantala, nasa Isang Milyong Piso naman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura. –Ulat ni Danira Gabrie

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *