P3.2 bilyong 2019 Annual Budget ng Nueva Ecija, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan

Inaprubahan sa Ika-dalawampu’t limang Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang Proposed Annual Budget para sa taong 2019 ng Nueva Ecija noong December 3, 2018.

Sa kabuuan, ito ay nagkakahalaga ng P3,230,300,000 billion na pondo para sa susunod na taon.

Ang malaking bahagi ng budget na mula sa P563 milyon na Development Fund, ay gugugulin sa Social Welfare Services na umaabot sa P183 milyon para sa pagpapagawa at pagtatayo ng anim na pu’t siyam na mas pinagandang multi-purpose building and facilities, tatlong day care centers, senior citizen’s building at women’s building.

Ang multi-purpose building ay lalagyan na rin ng cr, kusina at tent upang magamit sa panahon ng kalamidad.

Habang ang P161 million ay ilalaan sa  pagpapasemento ng dalawampu’t anim na farm-to-market roads upang maging mabilis at madali ang kalakalan sa mga kanayunan sa probinsiya.

Bilang bahagi ng malasakit sa kalusugan ay magpapatayo ng apat na health centers sa mga bayan ng Guimba, Jaen, Peñaranda at Talavera. Bukod pa sa pagbili ng medical/hospital equipment ng anim na ospital na kinabibilangan ng ELJ hospital, district at community hospitals na aabot sa P8.9 milyon.

Walong milyong piso naman para sa instalasyon ng street lights at tatlong milyong piso para sa pagtatanim ng mga puno at pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Gov. Czarina “Cherry” Umali, ang mga proyekto ay bunga ng serye ng konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan at barangay sa lalawigan.

Kung ikukumpara ngayong taon, tumaas ng mahigit dalawang daang milyong piso ang budget para sa taong 2019. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *