P50 milyong pondo ng Cabanatuan City Government, nais i-time deposit sa bangko

Ninanais ng Cabanatuan City Government na mailagak bilang time deposit ang P50 milyong pondo ng lungsod sa Development Bank of the Philippines (DBP) upang kumita ng mas malaking interes sa bangko.

Base sa sulat na hiniling ni Mayor Jay Vergara, gusto nito na magpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlungsod para bigyan ng karapatan ang lokal na pamahalaan na mag bukas ng isang time deposit account upang maisalin ang P50 milyon sa bangko ng DBP.

Ayon kay City Treasurer Florida Oca, ang dahilan ng paglilipat ay upang kumita ng mas malaking interes sa bangko ang pondo na magmumula sa general fund.

Pagtataka ni Vice Mayor Anthony Umali, bakit mayroong ganito kalaking pondo na hindi pa nagagamit ang pamahalaan. Samantalang, napakaraming proyekto ang nakalinya sa buong taon.

Bagay na hindi makumpirma ng Tresurera ng lungsod.

Ayon sa Bise Alkalde, kung ganito kalaki ang nakatabing pondo bakit hindi na lang aniya gamitin sa nakatenggang 3rd Tranche Salary Increase ng mga empleyado ng City Hall na nagkakahalaga lamang ng P29 milyon.

Aniya, malaking kapakinabangan ito para sa mahigit isang libong kasamahan na naglilingkod sa lungsod.

Dagdag pa ng Bise Alkalde, patuloy niyang ilalahad ang mga nakikita niyang iregularidad sa pamamalakad sa Pamahalaang Lungsod upang ibukas ang mata ng mga Cabanatueño sa mga tunay na pangyayari sa City Hall. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *