P5M, IPINAGKALOOB NI ERAP SA NUEVA ECIJA

     Nagbigay ng limang milyong piso si dating pangulo na ngayon ay alkalde ng lungsod ng Maynila Joseph Ejercito Estrada para sa mga biktima ng bagyong Lando sa lalawigan ng Nueva Ecija.

     Ayon kay Estrada, tulong ito bunsod ng matinding pinsalang tinamo ng probinsya sa nagdaang bagyong na siyang lumagas sa mga ari-arian at hanapbuhay ng maraming magsasakang Novo Ecijano.

     Hinati ng alkalde ang limang milyong piso kung saan ibinigay nito ang dalawang milyon sa lungsod ng Cabanatuan at tatlong milyon para sa Pamahalaang Panlalawigan.

     Kasabay nito, sinabi pa ni Estrada na malapit ang kaniyang puso sa Nueva Ecija kung kaya’t hindi niya matiis na makitang naghihirap ng husto ang mga Novo Ecijano na malaki ang naging papel sa pagkakaluklok sa kaniya bilang presidente ng bansa noong taong 1998.

   Kaugnay nito, siniguro ni Nueva Ecija Gov. Aurellio “Oyie” Umali na mapupunta sa mga tunay na nangangailangang mga kababayan ang nasabing P3M na dumagdag sa paghanga ni Mayor Estrada.

     Samantala, kasamang bumisita ni Estrada sa lalawigan ang kaniyang bise alkalde na si Isko Moreno na ngayon ay tumatakbo sa pagka-Senador.

     At sa harap ng mga kapitan, local media, ilang indibidwal at iba pang mga opisyales sa Nueva Ecija, diretsahang humingi ng suporta si Mayor Estrada para sa kaniyang pambato sa Senado na si Isko na lubos na ikinatuwa nito. -Ulat ni MARY JOY PEREZ.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *