Pag-amyenda sa Traffic Code ng Cabanatuan City, ipinasa kahit hindi dumaan sa public hearing

Nagpahayag ng reserbasyon si Vice Mayor Anthony Umali sa pagpasa sa ikatlong pagbasa ng panukalang pag-amyenda sa Ordinance No 001-2019 o Traffic Code ng Lungsod ng Cabanatuan dahil hindi umano ito dumaan sa tamang proseso.

Ayon kay VM Umali, bago ito aprubahan ay pinaalalahan pa niya ang mga miyembro ng mayorya na ang kanilang itinutulak na panukala ay hindi dumaan sa public hearing na isang mandatong proseso sa pagpasa ng batas.

Paliwanag pa ni VM Umali, tanging ang Traffic Code lamang ang dumaan sa public consultation at hindi ang pag-amyenda sa naturang batas.

Layunin ng pag-amyenda sa Sec. 5 No. 29 ng ordinansa na maihanay sa mga regular na tricycle ang “three wheeled cab” o anumang behikulong motor na mayroong tatlong gulong bilang bagong pampasaherong sasakyan.

Ang simpleng depinisyon na ito ay kinwestiyon ng Bise Alkalde dahil masyado itong “generalize” sa punto na maaaring mapagsamantalahan at malabong maproteksiyunan ang kabuhayanan ng 20,000 namamasadang tricycle driver sa Cabanatuan.

Bagamat aniya na gustuhin man nila ni Kon. Nero Mercado at Kon. Gave Calling, na nagpahayag din ng reserbasyon, na maidaan ito sa tamang proseso ay hindi naman sapat ang kanilang bilang upang maipaglaban ang kaayusan sa Sanggunian.

Umaasa ang Bise Alkalde na kapag iba na ang mga nakaupong opisyal sa Sanggunian ay susunod sila sa tamang proseso. – Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/xvPpwL2Kbt4


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *