Pagbabalik ni Governor-Elect Aurelio Umali, pinaghahandaan na ng mga kawani ng kapitolyo

Naghahanda na ngayon ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa muling pagbabalik sa kapitolyo ng Ama ng Lalawigan, Aurelio “Oyie” Matias Umali matapos na manalo nitong nakaraang 2019 midterm elections.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Provincial Administrator Alejandro Abesamis, isa-isa nang pinulong ang bawat department heads upang bigyan ng karampatang impormasyon kaugnay ng mga proyekto at programang pagtutuunan ng pansin sa muling pagbabalik ni Gov. Oyie.

Sinabi ni Abesamis na isa sa mga pagtutuunan ng pansin ni Governor-Elect Oyie ay ang pagpapatuloy ng mga proyekto ni Governor Cherry Umali kabilang na rito ang pagbuo ng Provincial Food Council.

Kasama na rin aniya dito ang pagpapagawa ng mga karagdagang cold storage sa mga magsisibuyas at rice mill sa mga umaani ng palay kung saan ang layunin ay direktang matulungan ang magsasakang Novo Ecijano.

Samantala, siniguro naman ni Abesamis sa taumbayan na walang dapat ikabahala sa kasong may kinalaman sa fertilizer sa napipintong pagbabalik kapitolyo ni Governor-Elect Oyie.

Nilinaw niya na walang kinalaman ang naturang kaso sa muling pag-upo ng Ama ng Lalawigan sa darating na Hulyo.-Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *