Pagbili sa palay ng mga magsasaka sa makatarungang presyo, patuloy na sigaw ng AMGL

Mula umano nang bumagsak ang presyo ng palay nitong nakaraang anihan ay nagsagawa na ng mga kilos protesta ang Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon o AMGL-Nueva Ecija kasama ang Bantay Bigas at iba pang mga progresibong grupo upang ipaglaban ang interes ng mga magsasaka sa bansa.

Ayon kay Ignacio Ortiz, pangulo ng AMGL-Nueva Ecija, kabilang sa mga ahensya ng gobyerno na kanilang kinalampag ay ang Department of Agriculture, National Food Authority at Bureau of Plant Industry upang idulog ang suliraning kinalugmukan ng mga magsasaka at hilingin ang pagbasura sa Rice Tariffication Law.

Ignacio Ortiz, Pangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon- Nueva Ecija

Aniya, dumalo na rin sila sa dalawang pagdinig sa senado kung saan nakaharap nila si Senator Cynthia Villar, Chairman ng Committee on Food and Agriculture na nagsabing masyado pang maaga upang hilinging ibasura ang RTL.

Kabilang sa pagkilos ng grupo ay ang pangangalap ng mga pirma laban sa RTL na kanilang idinulog sa kongreso dahil kabilang sa mga pumirma para maisabatas ito ay ang apat na kongresista ng lalawigan.

Matatandaan noong simulan ang signature campaign dito sa Nueva Ecija ay inilapit at hiniling ng mga magsasaka sa petisyon kay 1st District Congresswoman Ging Suansing na magsulong ng resolusyon sa kongreso para agarang ipag-utos ang paglalagay ng limitasyon sa pag-aangkat ng bigas at pagbasura sa RTL.

Ani Ortiz, inamin sa kanila ni Congresswoman Suansing na hindi daw niya akalain na ganito ang kahihinatnan ng kanyang pagboto sa naturang batas.

Maaalala din na sinabi ni Joseph Canlas, Chairman ng AMGL, sa ginanap na Palay Forum sa Bayan ng Guimba na marahil ay hindi pinag-aralang mabuti ni Congresswoman Suansing ang batas bago ito pumirma at duda din ito sa tunay na intensyon ng kongresista sa kanyang pagtugon sa mga magsasaka.

Kaugnay nito, nakapaghain na ang kanilang grupo sa kongreso ng 50, 000 signatures para sa kampanya sa pagpapabasura ng RTL na personal na tinanggap ni House Speaker Allan Peter Cayetano.

Noong lunes naman, December 9, 2019 ay tinungo ng grupo ang opisina nina Senator Villar, Senate President Vicente Sotto III, at Senator Francis Pangilinan upang ihain naman ang panibago nilang nakalap na 50, 000 signatures laban sa naturang batas.

Sa isang press conference naman noong panahon ng kampanyahan ay sinabi ni Congresswoman Ria Vergara na kaya ito bumoto sa Rice Tariffication Law ay dahil layunin nitong tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng hybrid seeds at makinarya sa bukid mula sa sampong bilyong piso na manggagaling sa buwis na makukuha sa importasyon ng bigas.

Ayon pa kay Congresswoman Vergara, dahil bago pa lamang ang batas ay sa pondo muna ng National Government magmumula ang sampong bilyong piso na ito na nakalaan para lamang sa mga rice farmers.

Ngunit taliwas ito sa kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka, dahil ayon kay Ortiz hindi hybrid seeds at makabagong makinarya ang kailangan ng mga magsasaka kundi ang maibalik sa dating presyo ang kanilang mga palay upang hindi lalong mabaon sa pagkakautang ang mga ito.

Ani Ortiz, hindi mga magsasaka ang pangunahing makikinabang sa sampong bilyong piso na ito kundi ang mga kompanya ng ibang bansa dahil dito aniya bibili ang Pilipinas ng makabagong makinaryang pangbukid na hindi rin naman daw makatutulong upang mapaunlad ang industriya ng pagsasaka dahil libo-libong manggagawang bukid ang tiyak na mawawalan ng hanap-buhay dahil dito.

Panawagan ng AMGL na sana’y dinggin ang hinaing ng mga magsasaka sa bansa upang maiangat ang kanilang pamumuhay at hindi tuluyang malugmok sa kumunoy ng kahirapan.

Patuloy pa rin ang pangangalap ng mga pirma ng AMGL katuwang ang iba’t ibang progresibong grupo sa buong bansa para sa tuluyang pagpapabasura ng naturang batas.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Pagbili sa palay ng mga magsasaka sa makatarungang presyo, patuloy na sigaw ng AMGL


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *