Paggunita sa ika-124 taong anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, simple ngunit makahulugan

Simple ngunit makahulugan ang naging paggunita ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali sa ika-124 na taong anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, noong September 2, 2020.

Sa mismong araw ng selebrasyon ay nag-alay ng bulaklak si Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis sa Unknown Soldier’s Monument, Freedom Park, Cabanatuan City, Nueva Ecija, para sa mga Novo Ecijanong Katipunero na nakipaglaban sa mga Kastila upang makamit ang kasarinlan ng lalawigan.

Ginawa umanong payak ang pag-alala ngayong taon sa matagumpay na pag-aalsa ng mga katipunero noong September 2, 1896 dahil sa pandemyang COVID-19 na kinahaharap ng buong mundo.

Maliban sa Wreath Laying Ceremony ay nagpalabas din sa outdoor led wall sa harap ng Old Capitol Building, Cabanatuan City ng short film na pinamagatang “Yano Ang Itim na Watawat” sa direksyon ni Direk Vincent O. Ricafrente at ng Artist Lab-Nueva Ecija at ng dokumentaryo ni Vice Governor Anthony Umali na naglalaman ng kwento ng paglaya ng mga Novo Ecijano sa kamay ng mga kastila.

Sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong September 1, 2020, sonabi naman ni Governor Oyie Umali na importanteng maibahagi at maipamana sa saling lahi ang kasaysayan ng probinsya dahil ito ay isang magiting na nakaraan kung saan nag-alay ng buhay ang ating mga kababayan para maipagtanggol ang kalayaan ng bawat isa.

Bilang bahagi rin ng pagdiriwang ay nagsagawa ang Provincial Tourism Office ng Online Painting and Digital Exhibition na may temang “Kagitingang Pinanday ng Panahon: Buhay at Dumadaloy mula Noon hanggang Ngayon” na nilahukan ng nasa mahigit 50 mga Novo Ecijano Artists upang maipakita at maipagmalaki ang kanilang talento sa larangan ng sining.

Wagi sa General Public Category ang obra ni Laicram M. Balbin, nasungkit naman ni Emel H. Espiritu ang 2nd place, si John Melvin B. Garcia naman ang nakakuha sa 3rd place habang nakamit ng masterpiece ni Eli Rose Joy A. Santiago ang People’s Choice Award na may pinakamaraming reactions sa facebook.

Para sa Student Category, nangibabaw ang ipininta ni Wifredo P. Ramos III na maliban sa 1st place ay nakamit din ang People’s Choice Award, pumangalawa ang likhang sining ni Thomas Jonh P. Apolonio at pumangatlo naman obra maestra ni Jan Resty Del C. Ben, ang lahat ng mga nanalo ay tumanggap ng cash prizes.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *