Pagkakaiba ng road clearing at road widening, ipinaliwanag ng mga engineer ng DPWH-Nueva Ecija

Tinalakay sa other matters sa ika-labing limang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang pagkakaiba ng road clearing at road widening bunsod ng mga reklamo at pagkalito ng mga mamamayan.

Nilinaw ni Engr. Ferdinand Ramitere ng Department of Public Works and Highways 2nd District, na ang road clearing ay nangangahulugan nang pagtatanggal sa anumang obstruction o sagabal sa road right of way o lupang nakalaan para sa kalsada habang ang road widening ay ang pagpapaluwang o pagpapalapad ng kalsada.

Ayon kay Engr. Ramitere, maituturing na nakasasagabal ang anumang istruktura kung lumampas na ito sa private property line o lupang pag-aari ng pribadong tao at pumasok sa road right of way, kung ang sinira o ginibang istruktura naman ay pasok pa sa property line ay maituturing aniya itong road widening.

Sinabi naman ni Engr. Marvin Garino ng DPWH 1st District na ang mandato ng Department of Interior and Local Government sa ilalim ng Memorandum Circular 2019-121 na tulungan ng kanilang ahensya ang mga Local Government Units sa clearing operations sa pamamagitan ng pagbibigay ng man power at equipment.

Ilan sa mga binagbag dahil sa road clearing sa Cabanatuan City.

Nasa sampong metro mula sa gitna ng kalsada naman ani Engr. Homer Garcia  ng DPWH 1st District ang kanilang kasalukuyang iniimplementa sa mga National Highway para sa road widening at maaari pang mai-adjust kung mahigpit pa rin ang daloy ng trapiko.

Paglilinaw din ni Engr.  Jazir Gaspar ng DPWH 1ST District na ang sukat na sampong metro mula sa gitna ng kalsada ay hindi nangangahulugan na  pag-aari na ito ng gobyerno, malalaman lamang aniya kung nabili na ito ng gobyerno sa pamamagitan ng parcellary survey ng mga Geodetic Engineers.

Nang tanungin ni Vice Governor Anthony Umali ang mga Engineers sa ruling ng road clearing ay sinabi ni Engr. Garino na base sa DILG ay paglilinis lamang ng mga existing roads at sidewalks ang kinakailangan.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *