Pagkakaloob ng P2,000 dagdag-pension, hatiin sa dalawang panahon –SSS

   Nagprisinta ng ibang opsyon ang Social Security System (SSS) sa kongreso na hatiin sa dalawang panahon ang pagbibigay ng P2,000 dagdag-pension sa mga pensioners ng ahensya.

   Sa paliwanag ni Maureen Inocencio Senior Communications Analyst ng SSS, magbibigay muna ng P1,000 karagdagang pension sa taong 2017 at ang panibagong P1,000 dagdag-pension ay matatanggap sa taong 2022 o mas maaga pa kung may batas na ipatutupad dito.

   Base sa ulat na ipinakita ng SSS, kumikita ang ahensiya ng P30-50 billion kada taon. Ngunit, dahil sa pagpapatupad ng P2,000 dagdag pension ay aabot sa P56 billion ang pakakawalan nito. Sa sumatutal kakapusin ng P16 hanggang P26 billion ang fund life ng ahensiya.

   Sa iba pang suhestiyon ng SSS, upang mamaintain ang kanilang fund life hanggang taong 2042 ay kinakailangan na taasan ng 11% – 15.8% ang kontribusyon ng mga miyembro.

   Sa ilalim ng House Bill 5842, tataas na sa P3,200 mula sa dating P1,200 ang minimum monthly pension na ipagkakaloob ng SSS sa mga nagretiro nang may sampung taong credited service.

   Para naman sa SSS pensioners na may dalawampung taong credited service, tataas na sa P4,400 mula sa dating P2,400 ang kanilang matatanggap.

   Sa kasalukuyan, ay umaabot na sa 2.15 million ang pensioners ng SSS sa bansa. -Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *