Pagkakapantay-pantay, binigyang halaga ni Former Gov. Umali sa 20th Public Installation of Officers ng Mason 326 Lodge

March 7, 2019

Sa mensahe ni Former Governor Aurelio Umali bilang pangunahing tagapagsalita sa nasabing pagtitipon, ipinahayag nito ang kahalagahan ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng opinyon, pagpapakumbaba anuman ang estado sa lipunan , at pagkakapantay-pantay ng bawat miyembro ng kapatiran.

Dagdag pa nito, ang pagiging isang mason ay maraming naituro sa kaniya upang mas maging mabuting indibidwal lalo’t higit ang pagtulong sa kapwa.

Ang naging tema sa pagtatalaga ng mga bagong opisyal ng Masonic Lodge 326 ay “Freemasonry: Bridging men through harmony and brotherly love: Making men better for better society” na idinaos sa Brgy. Maligaya, Science City of Munoz, Nueva Ecija Noong March 2, 2019.

Ipinaabot naman ni Former 1st District Representative Josefina Joson sa kaniyang mensahe ang pasasalamat at patuloy na pagsuporta sa naturang lohiya.

Bago ito, sa isinagawang seremonya na pinangunahan ni Installing Officer Roger T. Manuel, pinalitan ni Brethren Reynaldo Irang si dating Worshipful Master Kim Joel Pedraja.

Kasama din sa mga itinalagang bagong opisyal ay sina Jonathan D. Garcia bilang Senior Warden, Sherwin R. Ramos para sa posisyon ng Junior Warden at 15 pang newly appointed officer ng Mason Lodge 326 para sa taong 2019-2020.

Samantala, pagkatapos ng pagtitipon sa Mason Lodge 326  ay tumungo naman sina Atty. Aurelio Umali at Governor Czarina Umali sa pagdiriwang ng 18th Ragragsak Ti Guimba Festival kasabay 154th Founding Anniversary ng nasabing bayan.

Ipinaabot din ng mag-asawa ang kanilang taos pusong pasasalamat sa bawat mamayan ng Guimba dahil sa kanilang patuloy na pagsuporta.

Nakiisa rin sa naturang kapistahan sina Doc Anthony Umali, 1st District Board Member Rafael Andrew “Raprap” Villanueva, bokal ng ikatlong distrito na si Eric Daniel Salazar at iba pang opisyal. Ulat ni Danira Gabriel/Henrie Hizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *