PAGKUHA NG LICENSE PLATES, AABOT PA HANGGANG HULYO

Aabot pa hanggang Hulyo ang pagkuha ng license plates ng mga motorista dahil pa rin umano sa kakapusan ng supply nito.

 

Bunsod umano ito ng tripleng bilang ng mga bagong sasakyan sa mga nakaraang buwan partikular sa (NCR) National Capital Region.

 

Paliwanag ng (LTO) Land Transportation Office, maaaring hindi na sumapat ang mga supply na plaka at hanggang Hunyo na lamang ang kaya nitong punan dahil sa paglobo ng bilang ng mga nagpaparehistro ng sasakyan.

 

Kaya naman, sari-saring opinyon ang ilang motorista para sa umano’y mabagal o matagal na prosesong ito hindi lamang sa pag-isyu ng mga plaka kundi maging sa pagrerenew nito.

 

Matatandaan na nagpatupad ng “no plates, no travel policy” ang LTO bagay na lalong nagpahirap sa ilang motorista.

 

Noong nakaraang buwan ay hiniling ni Senate Majority Leader Allan Peter Cayetano na ipagpaliban muna ng LTO ang pagpapatupad ng nasabing polisiya na hindi naman pinakinggan ng huli dahilan ng tila pagbabanta ni Cayetano na pipigilin niya ang 2016 budget ng ahensya.

 

Hindi naman nagpasindak sa senador ang ahensya, sahalip ay sinabi pa nito na hindi sila natatakot mawalan ng budget sa susunod na taon dahil ang tunay na talo rito ay ang publiko.

 

Bagay na sinundan ng maanghang rin na pahayag ni Cayetano at tinawag pang “arugante” ang pamunuan ng LTO.—Ulat ni Mary Joy Perez

[youtube=http://youtu.be/z95LyfbAkdg]

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *