Paglala ng sintomas ng Covid, maaaring mapigilan sa unang stage pa lamang ayon sa isang cardiologist

Maaari umanong mapigilan ang paglala ng mga sintomas ng COVID-19 kung maaagapan ito sa unang linggo pa lamang.

Ito ang inihayag ni Dr. Willy Veneracion, espesyalista ng Internal Medicine, Critical Care and Cardiology at kasalukuyang Training Faculty ng Department of Internal Medicine ng PJG Hospital.

Sa panayam kay Dr. Veneracion ipinaliwanag nito na ang mekanismo na nangyayari sa COVID ay ang pamamaga ng kalamnan o mga ugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at pagkakaroon ng pagbabara ng mga dugo, kaya ang nagiging pangunahing sintomas nito ay ang lagnat, ubo, sipon, at hirap sa paghinga.

Base sa kanyang karanasan sa panggagamot sa epekto ng virus sa katawan ng isang tao ay nakabuo siya ng guidelines kung paano mapipigilan o mapagaling ang mga sintomas ng COVID, na kahalintulad sa MATH+ Early Intervention Protocol na binuo ng lima o higit pang doktor sa America.

Sa MATH+ protocol ay nagkaroon umano sila ng 98-100% success rate kung saan gumaling ang kanilang mga pasyente at hindi na umabot pa sa stage two o mas kritikal na kondisyon ng sakit.

Ang MATH+ protocol ay binubuo ng mga gamot na Methylprednisolone na inihahalo sa swero para sa pamamaga ng mga kalamnan, Ascorbic Acid o Vitamin C para sa pampalakas ng immune system, Thiamine o Vitamin B1 para sa puso at Heparin para sa blood clots o pamumuo ng dugo sa mga ugat.

Kung sa unang araw pa lamang aniya ng mga sintomas ng COVID ay lalapatan na ang pasyente ng tamang gamot na nakapaloob sa MATH+ protocol ay maaaring hindi na lumala ang lagay nito.

May mga naging pasyente na aniya siya na naniwala sa kanyang guidelines na gumaling mula sa naranasang mga sintomas ng COVID-19.

Ngunit ang dilemma daw ng mga doktor na nakabuo ng MATH+ protocol katulad nya ay hindi ito makapasok sa guidelines ng World Health Organization na sinusunod ng mga ospital sa paraan ng panggagamot sa COVID dahil hindi ito dumaan sa randomized testing, trial o pag-aaral.

Para magamit ito sa hinaharap ay may mga hakbang nang isinasagawa si Dr. Willy Veneracion upang maikonsidera ang kanyang nabuong guidelines sa panggagamot sa COVID-19 patients. -ulat ni Jovelyn Tañedo Astrero-Madriaga

Watch – Paglala ng sintomas ng Covid, maaaring mapigilan sa unang stage pa lamang ayon sa isang cardiologist


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *