Paglalaan ng mahigit Php3-M para sa Micro Layering Program, aprubado ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija

Inaprubahan sa 15th Regular Session ng sangguniang panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na maglaan ng higit tatlong milyong piso na gagamitin para sa Micro Layering Livelihood Assistance Program ng provincial government.

Aprubado ng Sangguniang Panlalawigan ang higit tatlong milyong piso para sa Micro Layering Livelihood Assistance Program para sa mga maliliit na magsasaka at mga rebeldeng nagbalik loob sa pamahalaan.

Ayon kay Elvira Ronquillo, Chief ng Provincial Social Welfare and Development Office, ang pondong 3, 500, 000 pesos ay magmumula sa un-obligated appropriation of Aid to Individual in Crisis Situation sa ilalim ng kanilang tanggapan.

Si Provincial Social Welfare and Development Chief Elvira Ronquillo habang ipinaliliwanag ang  Micro Layering Program ng pamahalaang panlalawigan.

Ani Ronquillo, ang pondo ay dating ginagamit sa Gift Giving Program ng Provincial Government ngunit bunsod ng kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka at mga rebeldeng nagbalik loob sa pamahalaan ay naisipan nilang pagkalooban ang mga ito ng pangkabuhayan.

Paliwanag nito, nais masiguro ng pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng pang-araw-araw na kita ang mga navalidate na magsasaka at mga sumukong rebelde upang hindi na kinakailangan pang lumayo sa kani-kanilang pamilya para maghanap buhay.

Nagkakahalaga aniya ng 35, 000 pesos per module ang pangkabuhayan na ito kung saan nakapaloob ang apat napu’t walong mga manok, feeds at kulungan.

Sinabi din ni Ronquillo na ang mga manok na ipamamahagi sa mga recipient ay yung malapit nang mangitlog at kada itlog ay maaari nilang ibenta sa halagang 5 pesos and 50 centavos.

Sa kasalukuyan aniya ay aabot pa lamang sa limampu kabilang na ang dalawampu’t dalawang dating mga rebelde ang magiging recipient ng programa at kung maganda ang kalalabasan ay magdaragdag sila ng pondo sa mga susunod na panahon upang dumami ang makinabang.

Nilinaw din niya na ang livelihood na ito ay pahiram lamang sa mga recipient na unti-unti ring babayaran nang walang interes dahil sa layuning makatulong sa kanila— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *